SEGURIDAD NG BALIK-ESKWELA TINIYAK NG EPD

TINIYAK ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang kaayusan at seguridad hindi lamang ng mga mag-aaral kundi ganoon din ng mga guro at mga magulang sa pasukan ngayong Hunyo 16, 2025.

Sa inilabas na anunsyo ni EPD District Director PBGen. Aden Lagradante, sinabi nito na may kabuuang 535 pulis ang ipinakalat nila sa mga lungsod ng Pasig, Marikina, Mandaluyong at San Juan.

Ayon kay Lagradante, pangunahing tututukan ng mga operatiba, hindi lamang ang seguridad sa mga paaralan kundi gayundin ang pangangasiwa sa maayos na daloy ng trapiko.

Sinabi pa ng pamunuan na nagtayo sila ng on-site police assistance na inilagay sa mga estratehikong lugar upang malayang makalapit ang mga estudyante at mga magulang.

Idinagdag pa ni Lagradante, nakipag-ugnayan na rin ang EPD sa mga lokal na pamahalaan, opisyal ng barangay at school administrators kapwa sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

“Ang aming misyon ay tiyakin na ligtas at maayos na balik-eskuwela sa lahat ng mga estudyante at iba pang stakeholders,” ang pahayag ni PBGen. Lagradante.

Hinimok pa ng director ang buong komunidad na iulat kaagad sa kanilang mga ‘police assistance desk’ ang anomang kahina-hinalang kilos o gawain upang maisagawa nila ang 5-minutong responde.

Ang nasabing ‘5-minute response’ ay bagong direktiba at bahagi ng programa ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si PGen. Nicolas Torre III, para sa mabilis at epektibong police assistance.

(NEP CASTILLO)

8

Related posts

Leave a Comment