INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na tiyakin na wala nang mangyayaring karahasan sa pasilidad nito matapos i-hostage ng tatlong inmates si dating Senator Leila de Lima, Linggo ng umaga.
Hinostage ng tatlong preso si de Lima matapos saksakin ang pulis na nagrarasyon ng pagkain sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa loob ng Camp Crame.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. has directed Camp Crame to enforce all measures necessary to ensure that no act of violence in said facility and all other PNP detention centers shall happen again,” ayon kay Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil.
Nag-tweet din si Pangulong Marcos, na kakausapin niya si de Lima para alamin ang kalagayan nito.
“Following this morning’s incident at Camp Crame, I will be speaking to Senator De Lima to check on her condition and to ask if she wishes to be transferred to another detention center,” ayon sa Pangulo.
Kaugnay nito, iniutos na ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang malalimang imbestigasyon sa tangkang pagtakas ng tatlong Person Under PNP Custody (PUPC) sa custodial facility.
Kinilala ang tatlong PUPC na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr.
Batay sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente alas-6:30 ng umaga nang maghatid ng pagkain si Police Corporal Roger Agustin sa Maximum Compound at bigla siyang saksakin ng improvised na kutsilyo ng tatlong preso.
Nabaril ng kabaro ni Agustin sina Cabintoy at Susukan habang tumakbo sa selda ni De Lima si Sulayao saka hinostage ang senadora.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Special Action Force at na-neutralized si Sulayao.
Ligtas na ang senadora habang isinugod sa ospital ang nasaksak na pulis.
Patay naman ang tatlong PUPC na may mga pending na kasong kriminal gaya ng murder, frustrated murder at kidnapping and illegal detention.
“Ginawa pa pong hostage si Senator Leila de Lima. Ang ano naman do’n, kahit papaano, na-contain naman ng ating kapulisan. Of course, naitakbo ‘yung pulis natin sa ospital. Nasa critical condition,” sabi ni Azurin sa panayam sa telebisyon.
Dahil naman sa pangyayari ay nabuhay ang panawagang palayain ang dating senadora.
Ayon kay House Deputy Minority Leader Rep. France Castro, walang dahilan para manatili sa kulungan si de Lima dahil halos lahat ng mga tumestigo laban sa kanya ay binawi na ang kanilang testimonya.
“With the recent, foiled hostage taking victimizing former Senator Leila de Lima, it is urgent that she be freed immediately or at least be granted bail as more of the witnesses against her already recanted their statements and said that these were made under duress,” ani Castro.
Umapela rin ang mambabatas sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na pagtibayin na ang House Resolution (HR) 198 na nag-aatas sa Department of Justice (DOJ) na iatras na ang natitirang kaso laban kay de Lima.
Kinondena naman ni Senador Risa Hontiveros ang PNP sa naganap na hostage-taking kay dating de Lima.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na lubhang nakapagtataka kung paano nakapasok ang isang armadong detainee sa loob ng selda ni de Lima sa kabila ng maraming bantay.
“We condemn, in the strongest possible terms, the hostage taking of former Senator Leila de Lima right inside the Philippine National Police (PNP) Custodial Center. This is unjust, barbaric, and despicable,” ayon kay Hontiveros.
Dahil dito, hiniling ni Hontiveros na magpaliwanag ang PNP sa pangyayari sa pamamagitan ng imbestigasyon sa marahas na insidente. (CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
232 