TINDAHAN INARARO NG TRUCK, 3 SUGATAN

TATLO katao ang sugatan matapos araruhin ng isang delivery truck ang isang tindahan sa Barangay Taliba, San Luis, Batangas noong Lunes ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-9:40 ng umaga nang mangyari ang insidente habang binabagtas ng delivery truck ng isang grocery store, na minamaneho ng 49-anyos na driver, ang barangay road patungong Barangay Muzon.

Bigla umanong nawalan ng kontrol sa manibela ang driver dahilan upang kumabig pakaliwa ang sasakyan.

Dumiretso ito sa isang tindahan sa harap ng isang bahay at tinamaan ang ilang taong naroroon.

Sugatan sa insidente ang 57-anyos na babae; isang 33-anyos na lalaki; at isang 34-anyos na lalaki na pawang mga residente ng nasabing barangay.

Agad ang mga itong isinugod sa ospital para malapatan ng lunas.

Matindi namang napinsala ang delivery truck at ang mga tinamaan nitong ari-arian.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property ang driver na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala at iba pang detalye ng insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

82

Related posts

Leave a Comment