Sekyu at kahera sinaksak, binaril E-BINGO HINOLDAP NG SUKING CUSTOMER

CAVITE – Tinutugis ng mga tauhan ng Cavite Police ang isang lalaki na binaril at sinaksak ang cashier at security guard ng E-Bingo sa loob ng isang mall sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang suspek na si alyas “Neil”, 35, residente ng Brgy. Zone 4, Dasmariñas City, na tumakas matapos ang insidente.

Nilalapatan naman ng lunas sa UMC Hospital ang mga biktimang sina Merriam Beluang, cashier, at John Raymond Marzan, 43, security guard ng E-Bingo.

Ayon sa ulat, bandang alas-5:19 ng umaga nang mangyari ang insidente sa E-Bingo sa Brgy. Zone 4, Dasmariñas City kung saan bigla na lamang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing sinaksak ang guwardiya na si Marzan.

Nang matumba ang guwardiya at mahulog ang service firearm nito ay dinampot ng suspek ang baril saka pumasok sa cashier’s office kung saan binaril ang kahera at kinulimbat ang hindi pa nabatid na halaga ng cash at tumakas.

Nabatid na kilala ng mga biktima ang suspek dahil suki nila ito sa E-Bingo.

Isinugod sa ospital ang mga biktima habang nagsasagawa ng manhaunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

76

Related posts

Leave a Comment