SEKYU PATAY SA PINAGLARUANG BARIL NG KA-BUDDY

LAGUNA – Patay ang isang 18-anyos na security guard matapos tamaan ng bala sa noo nang aksidenteng pumutok ang baril na kanilang pinaglaruan sa guard house ng kanilang binabantayang subdivision sa Barangay Banay-Banay, Cabuyao City noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Cabuyao City Police, bandang ala-1:00 ng hapon, magkasamang naka-duty ang biktimang si Elmer Calvadorez at ang suspek na si alyas “Christian”, 24, sa gate ng Grand Acacia Grove Subdivision, nang laruin umano ng mga ito ang isang caliber .38 revolver.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, pumutok ang baril at tinamaan ng bala sa noo ang biktima.

Agad itong dinala ng Rescue Team 911 sa Ospital ng Cabuyao upang malapatan ng lunas ngunit idineklarang patay makalipas ang ilang oras.

Ayon sa suspek, akala niya ay walang bala ang baril.

Inaresto ang suspek ng mga barangay tanod ng Banay-Banay at itinurn-over sa Cabuyao Police Station.

Nahaharap ang suspek sa kasong homicide. (NILOU DEL CARMEN)

109

Related posts

Leave a Comment