PPA, KUMITA NG P10.59 BILYON SA UNANG 9 NA BUWAN NG 2026

UMABOT sa P10.59 bilyon ang net income ng Philippine Ports Authority (PPA) sa unang siyam na buwan ng 2026, mas mataas ng 15 porsyento kumpara sa P9.19 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.

Dahil dito, inaasahang makapagtatala muli ang PPA ng malaking dividend remittance sa pamahalaan bago matapos ang taon, bilang pandagdag sa pondo ng gobyerno.

Batay sa financial report ng PPA, tumaas naman ng 11 porsiyento ang kabuuang revenues nito sa P24.79 bilyon, habang umakyat ng walong porsiyento ang gastusin sa P12.08 bilyon.

Pinakamalaking bahagi ng kita ang nagmula sa port services at iba pang negosyo ng ahensya, bunsod ng mas mataas na bayarin at mas pinaigting na pangongolekta sa mga pantalan na sakop nito.

Sa panig ng gastusin, kabilang sa pinakamalalaking bahagi ang non-cash costs na ₱6.9 bilyon, maintenance and other operating expenses (MOOE) na ₱3.27 bilyon at personnel services na ₱1.89 bilyon.

Sa kabila ng mga hamon sa logistics industry at pandaigdigang supply chain, tumaas ng tatlong porsiyento ang kabuuang cargo volume sa mga pantalan sa bansa, na umabot sa 239.91 milyong metric tons (MT) sa unang siyam na buwan ng taon.

Gayunman, bumaba ng dalawang porsiyento ang domestic cargo sa 84.18 milyong MT, habang tumaas naman ng anim na porsiyento ang foreign cargo traffic sa 155.73 milyong MT.

Ayon sa PPA, patuloy nitong pinabubuti ang pangongolekta ng kita at kinokontrol ang gastusin upang mapanatili ang paglago sa kabila ng mga hamon sa sektor ng transportasyon at logistics.

Alinsunod sa Republic Act 7656 o Dividends Law, nagreremit ang PPA ng bahagi ng kita nito sa pamahalaan bilang dibidendo upang suportahan ang paggasta ng gobyerno.

Noong 2025, nag-remit ang PPA ng record-high na ₱5.33 bilyong dibidendo, katumbas ng humigit-kumulang 52 porsiyento ng kinita nito.

(JESSE RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment