UBE NG PINAS, IN DEMAND NA SA BUONG MUNDO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

UBE is the new matcha, ‘yan ang mga isinulat ng isang pahayagan sa Singapore, isang patunay na ang ubeng galing sa Pilipinas ay pinagkakaguluhan na sa buong mundo.

Nakatakdang maglaan ng nasa P300M na pondo ang gobyerno upang tustusan at palawakin pa ang taniman ng ube sa probinsya ng Isabela upang matugunan ang demand at mapigilan ang pagbaba ng bilang ng mga naaani rito. Dahil sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture ay nasa mahigit 12,483 metric tons lang nitong nakaraang taon ang ani at malayong-malayo sa 21,906 metric tons noong 2010.

Target umano ng gobyerno na palawigin pa ang target nitong 100 ektaryang lupain na taniman ng ube upang matugunan ang demand ng ibang bansa.

Hinahabol ng proyekto ng gobyerno ang paglobo ng demand ngayong paparating na Disyembre, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa buong mundo.

Napakalaking tulong din ang mahigit dalawang bilyong pisong bigay ng USDA o US Department of Agriculture upang mapalawig ang produksyon nito.

Tradisyon na ng mga Pinoy ang paghahanda ng halayang ube tuwing kapaskuhan at sa panahon ngayong marami nang kaagaw ang mga Pinoy sa ube, dapat matiyak ng Department of Agriculture na may sapat na suplay para sa mga Pinoy at nararapat lang na ito ang gawing prayoridad, hindi ang pag-export sa ibang bansa.

Masaya man tayong mga Pinoy na nakikilala na sa ibang bansa ang produktong tunay na atin, hindi pa rin dapat mauna ang mga dayuhan na sa produktong nakalaan para sa ating mga Pinoy.

Ilan sa mga problemang kinahaharap ng industriya ng ube ay ang climate change at ang kawalan ng tamang storage facilities para sa ani ng mga nagtanim.

Bukod sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa tamang pag-iimbak ng ube layunin din ng Department of Agriculture na dagdagan ang pagsasaliksik upang mapaganda pa ang kalidad ng ube na inaani sa atin.

26

Related posts

Leave a Comment