NAGPAHAYAG ng matinding pag-aalala si Sen. Mark Villar para sa kaligtasan at kapakanan ng mahigit 2.4 milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Binigyang-diin ng senador ang agarang tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang proteksyon at maayos na pagtukoy sa kalagayan ng lahat ng Pilipino sa rehiyon, lalo na sa harap ng mga ulat ng nasawing Pilipino.
“Ang tungkulin natin ngayon ay tiyaking ligtas, protektado, at accounted for ang ating mga kababayan sa Middle East. Mas lalong mabigat ang sitwasyon dahil may naitala na pong pagkamatay ng isang Pilipina, si caregiver Mary Anne Velazquez de Vera, na nasawi habang ginagampanan ang kanyang tungkulin,” ani Villar.
Nanawagan si Villar sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na paigtingin ang tulong sa mga OFW, tiyaking nakahanda ang mga plano sa paglikas, at agad na maipatutupad ang mga mekanismo para sa emergency at repatriation sakaling lumala pa ang sitwasyon sa seguridad.
Iginiit din niya ang kahalagahan ng regular na pag-monitor ng mga tanggapan para sa migrant workers sa kalagayan ng mga OFW sa lugar, pagtatasa sa kanilang kahandaan sa posibleng paglikas, at paghahanda ng mga programang reintegration para sa mga manggagawang maaaring mawalan ng trabaho dahil sa krisis.
“Kailangang handa ang gobyerno hindi lamang sa paglikas kundi pati sa pagtulong sa ating mga OFWs na mawawalan ng kabuhayan dahil sa kaguluhan,” dagdag ni Villar.
Tiniyak ng senador sa mga OFW at kanilang pamilya na walang Pilipinong maiiwan sa panahong ito ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga OFW at kanilang pamilya na nangangailangan ng tulong sa DMW-OWWA Middle East local emergency hotline na 1348 o sa overseas hotline na +632 1348.
(Danny Bacolod)
1
