DISMAYADO si Senador Win Gatchalian sa mababang passing rate ng Licensure Examination for Teachers (LET) nitong mga nakaraang taon kaya binigyang-diin nitong dapat nang iangat ang kalidad ng pagtuturo at pagsasanay ng mga guro.
Sa isang pagdinig sa Senado, ibinahagi ni Professional Regulation Commission (PRC) Board for Professional Teachers Chairman Dr. Rosita Navarro na wala pang limampung porsiyento (48.86%) ang average passing rate sa mga kumuha ng LET sa unang pagkakataon mula 2014 hanggang 2017.
Kahit noong nakaraang taon ay mababa ang naitalang passing rate para sa mga kumuha ng LET. Sa elementary level, ang passing rate para sa mga kumuha ng LET noong Marso 2019 ay wala pang tatlumpung porsyento (27.29%) habang mahigit tatlumpung porsyento (31.24%) lamang ang mga nakapasa noong Setyembre ng nakaraang taon.
Para naman sa secondary level, ang passing rate para sa mga kumuha ng LET noong Marso 2019 ay dalawampu’t limang porsyento lamang (25.95%) at halos apatnapung porsyento (39.69%) lang para sa mga kumuha nito noong Setyembre.
“Sa bandang huli, nais nating maging mahusay ang ating mga mag-aaral kaya importante na mataas din ang kalidad ng edukasyon ng mga guro,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Matatandaang naging malaking dagok sa sektor ng edukasyon noong lumabas ang mababang resulta ng Pilipinas sa 2018 Programme for International Student Assessment.
Sa mag-aaral na sumabak mula 79 na bansa, ang mga mag-aaral natin ang nakakuha ng may pinakamababang marka sa Reading Comprehension at pangalawang pinakamababa pagdating sa Science at Mathematics.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang gawing angkop ang edukasyon ng mga guro sa pangangailangan ng Department of Education (DepEd), lalo na’t karamihan sa mga nagtatapos ng Teacher Education Institutions o TEIs ay nagiging guro sa mga pampublikong paaralan.
Nang ihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 526, layon niyang matukoy ang mga hamong kinakaharap ng kalidad ng “teacher education and training.”
Layunin din niyang masuri ang performance ng mga TEIs upang mapatatag ang edukasyon ng mga guro at gawin silang handa sa mga pangangailangan ng ika-21 siglo.
Lumabas din sa isang pag-aaral ng World Bank Group at Australian Aid na maliban sa mga English elementary teachers sa Pilipinas, ang isang pangkaraniwang guro sa elementarya at high school sa bansa ay hirap sumagot sa ilang tanong ng content tests.
“Nasa ilalim ng DepEd ang walumpu’t limang porsyento ng ating mga mag-aaral at pitumpu’t limang porsyento ng ating mga guro. Kung maayos natin ang ating mga pampublikong paaralan, maiaangat natin ang buong bansa,” pagdidiin ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
