KASABAY ng pagtiyak ng Department of Labor na dapat bayaran ang lahat ng manggagawa ng kanilang 13th month pay ay humirit naman ang mga manufacturer ng taas-presyo sa Noche Buena products.
Dahil dito, inaasahan na magkakaroon ng pagtaas sa mga produktong karaniwang inihahanda sa araw ng Pasko, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sinasabing nasa 3 hanggang 4 porsiyentong dagdag-presyo ang hinihingi ng mga manufacturer partikular ang mga gumagawa ng ham, fruit cocktail, pasta, tomato sauce, elbow macaroni, creamer at sandwich spread.
Subalit inihayag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na isasalang pa nila ito sa masusing pag-aaral lalo pa at may nararanasang pandemya dulot ng coronavirus disease.
Ibinigay na basehan ng mga manufacturer sa hiling ng dagdag-presyo ay ang pagmahal umano ng raw materials.
Kaugnay nito, inaasahan na maglalabas ang DTI ng suggested retail price ng Noche Buena products sa unang linggo ng Nobyembre.
Nauna nang inihayag ng DOLE na kailangan magbigay ang mga kumpanya ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi puwedeng ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay at hindi rin puwedeng magkaroon ng exemptions.
Labor groups nagbunyi
Samantala, nasiyahan ang mga manggagawa sa ‘pinal’ na desisyon ni Bello na huwag ituloy ang pagpapatigil sa pamamahagi ng 13th month pay sa mga manggagawa sa Disyembre.
“Ikinagalak ng mga Labor groups kabilang ang NAGKAISA Labor Coalition at Federation of Free Workers (FFW) ang naging desisyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na manatili ang 13th month pay, o hindi dapat i-postpone ang pagbibigay nito sa mga manggagawang Filipino, lalo’t paparating na ang Kapaskuhan,” pahayag ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA at pangulo rin ng FFW.
Sabi ni Matula ilang buwan na ang nakalipas, na napakalaki ng nawala sa mga manggagawa kumpara sa mga kapitalista dahil napakaraming nawalan ng trabaho at ang mga may trabaho ay tinapyasan naman ang kanilang buwanang sahod.
Kasunod ng kanyang pag-atras, tiniyak ni Bello na hindi dapat labagin ng mga kapitalista ang Presidential Decree 851 (P.D. 851) na batas pabor sa mga manggagawa noon pang panahon ng namayapang Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Bahagi ng batas-paggawa ng Pilipinas ang P.D. 851.
Mula sa panahon ni Marcos ay hindi pa ito pinalitan o pinakipot ang saklaw nito.
“Ang mahihirap na mga manggagawa ay kailangan ngayon ng proteksyon kung saan hindi nila papayagan ang mga manggagawa na maghirap, o magdusa, gayong nakalaan naman talaga ang benepisyo para sa kanila ayon sa P.D. 851,” giit ni Matula, nagtuturo rin ng batas-paggawa sa MLQU School of Law.
“Taun-taon sa kanilang trabaho ay tinatanggap ng mga empleyado, o manggagawa, ang kanilang 13th month pay, ito ay pinagtrabahuan [nila], kaya hindi dapat ipagkait ang kanilang karapatan na matanggap ang naturang benepisyo,” susog ni Matula. (JESSE KABEL/NELSON S. BADILLA)
