SENIOR CITIZENS PINABIBIGYAN NG EXEMPTION SA ODD-EVEN SCHEME SA EDSA

NANAWAGAN si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) na bigyan ng exemption ang mga senior citizen sa ipinatutupad na odd-even traffic scheme sa EDSA.

Sa magkahiwalay na liham na ipinadala niya kina MMDA Chairman Romando Artes at DOTr Secretary Vince Dizon, iginiit ni Ordanes na ang nasabing polisiya ay may negatibong epekto sa kalusugan, kaligtasan, at kabuuang kaginhawahan ng mga nakatatanda.

Ayon sa mambabatas, maraming senior citizen ang umaasa sa sarili nilang mga sasakyan upang makapunta sa mahahalagang appointment gaya ng gamutan, therapy sessions, at iba pang hindi madaling ipagpaliban na gawain.

“Hindi tulad ng karaniwang pasahero, may mga natatanging hamon ang mga senior citizen sa paggamit ng pampublikong transportasyon—kabilang na ang pisikal na limitasyon, pagiging maselan sa aksidente, at pagiging sensitibo sa matinding init o biglaang pagbabago ng panahon,” saad ni Ordanes sa kanyang liham.

Binigyang-diin din niya na ang pagbibigay ng exemption sa mga nakatatanda ay isang “makatao at praktikal na hakbang” na naaayon sa Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, na layuning itaguyod ang kapakanan ng mga senior citizen sa bansa.

Upang maging maayos ang pagpapatupad ng naturang exemption, inialok din ni Ordanes ang kanyang pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng gobyerno upang bumuo ng isang sistemang magtatala at magpapakilala sa mga kwalipikadong senior citizen drivers at pasahero. Samantala, wala pang opisyal na tugon ang MMDA at DOTr ukol sa panukala ni Ordanes.

30

Related posts

Leave a Comment