IPAPRAYORIDAD ng gobyerno sa gagawing mass testing sa COVID-19 sa pamamagitan ng Polymerase Chain Reaction (PCR) ang mga senior citizen, buntis at iba ng sektor ng lipunan.
Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 6865 na inakda ni Iloilo Rep. Janette Garin na pinagtibay na sa ikalawang pagbasa at inaasahang aaprubahan sa huling pagbasa bago ang sine die o pagsasara ng first regular session ng 18th Congress.
Bukod sa matatanda at buntis, ipaprayoridad din sa PCR, ang mga health care worker, food handlers, public market vendors, sales people sa groceries at supermarkets.
Maging ang mga house helper o kasambahay, salon workers, mga kagawad ng media, factory at construction workers ay kasama sa priority na iko-COVID test sa pamamagitan ng PCR.
Ayon kay Garin, layon ng nasabing panukala na masiguro na ang mga nabanggit na sektor ay malinis sa virus dahil sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga ito.
Sa ngayon base sa protocol ng Department of Health (DOH), tanging ang mga may sintomas sa COVID-19 tulad ng mataas na lagnat at sore throat, ang prayoridad sa PCR test.
“We need to test these people kahit wala silang sintomas dahil marami sa COVID-19 positive patients ay asymptomatic,” ayon sa pahayag ni Garin.
Tiniyak naman ni House majority leader Martin Romualdez na maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala bago ang sine die upang maipatupad ito sa lalong madaling panahon. BERNARD TAGUINOD
