SERBISYO NG DA, NAIS PALAWAKIN SA MGA LALAWIGAN

NAIS ni Senate Committee on Agriculture chairman Francis Pangilinan na palawakin ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang extension services sa pamamagitan ng pagbubukas ng bagong mga opisina nito sa bawat probinsya.

Ayon sa senador, mayroon lamang regional offices ang DA, bagay na nagpapahirap sa mga magsasaka para makakuha ng sapat na suporta para sa kanilang mga anihan.

“Ang extension service ay mali at pag hindi nakaugnay yung DA sa lupa, parang tanim (na) hindi tutubo. Kailangan nakatutok,” pahayag ni Pangilinan.

“Nais nating dagdagan ng extension service na programa hindi sa regional level. Dapat minimum hanggang probinsya,” dagdag pa niya.

Inihalimbawa ng senador ang kalagayan ng mga magsasaka sa probinsya ng Cavite, kung saan mayroon din siyang taniman.

“Kung kinakailangan nilang tutukan ang ating extension service, paano na eh andon sila sa Lipa? Ang biyahe papuntang Lipa eh kulang-kulang tatlong oras,” sabi ng senador.

Nagpunta rin ang senador sa Los Baños, Laguna para sa isa pang diskusyon kasama ang isang kooperatiba ng mga magsasaka sa nayon.

Doon, muling itinulak ng senador ang pagpapalawak ng extension services ng DA sa mga probinsya “Paano matutukan ng DA yung pangangailangan ng magsasaka dito (sa Los Baños) at magsasaka sa amin (sa Cavite) kung walang extension na sapat para matutukan?,” sabi ni Pangilinan.

“Hanapan natin ng paraan yan yang suporta na maibibigay sa inyo,” pangako ng mambabatas.

Habang naroon siya ay isinangguni rin ng mga miyembro ng kooperatiba ang kanilang mga problema sa sakahan at sa pag-oorganisa bilang isang kooperatiba.

Bukod sa pag-oorganisa, sinabi ng senador na dapat makipag-usap ang mga kooperatiba sa kanilang mga punong-bayan upang mahikayat sila na makipag-ugnayan sa mga alkalde sa Maynila na maaaring bumili ng direkta ng kanilang mga ani.

Sa ilalim ng Sagip Saka Act na naipasa noong 2019, ang nasyonal at lokal na gobyerno ay maaaring bumili ng direkta sa mga magsasaka at mangingisda nang hindi dadaan sa isang public bidding.

(Dang Samson-Garcia)

85

Related posts

Leave a Comment