NGAYON pa lamang ay marami na ang sumusuporta sa planong pagpapatupad ng Unified NO Parking Policy sa buong Metro Manila, ayon sa Department of the Interior and local Government, kasunod ng direktibang magbuo ng polisiya hinggil sa planong iskema, ang lahat ng local government executives sa kalakhang Maynila.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hinihikayat niya ang lahat ng Metro Manila mayors na magbuo ng Technical Working Group (TWG) na tutukoy sa major thoroughfares at Mabuhay lanes na ituturing na No Parking zones, at lumikha ng whole-of-city parking map para maging gabay sa planong implementasyon nito sa susunod na buwan ng Setyembre.
Duda naman ang ilang Metro mayor sa agarang pagpapatupad nito dahil bawat lungsod ay may kanya-kanyang demographics at mga ordinansa tungkol sa parking.
Ayon kay Metro Manila Council president at San Juan City Mayor Francis Zamora sa isang panayam, “Yung total ban po I think would be very, very hard.”
Paliwanag ni Mayor Zamora, kakailanganin ang masusing pag-aaral sa mungkahi na magkaroon ng total street parking ban na naglalayong mapaluwag ang trapiko sa mga lansangan sa Kalakahang Maynila.
“Kung total ban talaga na kahit inner road pagbabawalang pumarada ang tanong po, saan na po ipapadala ang mga sasakyan?”
Nilinaw ni SILG Remulla na ang local executives ang siyang tutukoy sa mga lansangan na pwedeng paradahan at hindi pwedeng gamiting parking areas.
“So, we’re going to be very strict about it. Gagawin namin ang whole city map para makita nila saan pwedeng pumarada, saan hindi,” ani Remulla.
“The intent is to make Metro Manila more livable. So, every month, may initiatives tayo on how to make the cities a better place to live in, and even the other cities in the country.”
“So, we start with parking. It will take one month to solve on a granular basis. Ang mga mayor ang mag-a-identify. But they have all agreed that we have to make the cities better and we have to make it more livable,” dagdag pa ng kalihim.
(JESSE RUIZ)
