SERBISYONG MAKATAO AT TAPAT NI TARLAC CITY MAYOR SUSAN YAP

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG malaking karangalan para sa lungsod ng Tarlac ang pagkakabilang ni Mayor Susan Yap bilang bagong kasapi ng Mayors for Good Governance (M4GG).

Sa kanyang pamumuno na inuuna ang kapakanan ng mamamayan, lalo niyang pinatitibay ang pangakong “Tao ang Una.”

Ang M4GG ay isang samahan ng mga lokal na pinuno na nagsusulong ng katapatan, paglaban sa katiwalian, makabagong solusyon, at higit sa lahat, paglilingkod para sa tao.

Kaya sa pag-anib ni Mayor Yap, ipinakikita niyang handa siyang maging huwaran ng mabuting pamamahala hindi lamang para sa Tarlac, kundi para sa buong bansa.

Hindi maikakaila ang kanyang malasakit, na muling nasasalamin sa mga programang tulad ng Medical Mission na patuloy na nagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga Tarlaqueño. Ito ay malinaw na patunay na hindi lamang salita kundi gawa ang kanyang ipinakikita.

Ang pagkakasama ni Mayor Yap sa M4GG ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang mga pinuno ng bayan.

Isa itong paalala na ang tunay na lider ay hindi naghahanap ng pansariling interes, kundi tapat na naglilingkod para sa ikabubuti ng lahat.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, asahan ng mga Tarlaqueño ang mas makabago, tapat, at makataong pamahalaan.

Higit pa rito, pinalalakas ni Mayor Yap ang tiwala ng publiko na ang pamahalaan ay tunay na kakampi ng bawat mamamayan.

Ang Tarlac City ay patuloy na umuunlad, hindi lamang sa imprastruktura at kalusugan, kundi pati na rin sa pamamahalang may malasakit.

At sa ganitong uri ng pamumuno, hindi malayong maging modelo ang Tarlac sa buong Pilipinas.

35

Related posts

Leave a Comment