SHABU, LIQUID MARIJUANA NASABAT NG BOC, PDEA

NASABAT ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hinihinalang shabu at liquid marijuana sa isang consignee sa Quezon City noong Miyerkoles.

Kinilala ang arestadong drug suspect na si Eric Ambrosio Roperos, 47-anyos, residente ng 43 BPI Nursery Compound, Brgy. Vasra, Visayas Ave., Quezon City.

Ang suspek ay nadakip makaraang tanggapin ang kargamento na may lamang umano’y shabu at liquid marijuana na nagkakahalaga ng P90,000.

Ayon sa ulat ng BOC-Port of Clark, unang natuklasan ang ilegal na droga nang isailalim ang isang shipment na galing sa Nevada, USA na may markang “pens”, sa K9 sweeping.

Nang buksan ang kargamento, natuklasan ang tatlong self-sealing plastic sachet na may lamang hinihinalang shabu at isang self-sealing plastic sachet na may lamang ‘liquid marijuana’ na nakatago sa walong pirasong marker pens, isang pakete ng dart flights at isang pakete ng magazine.

Isinailalim ang mga nakumpiska sa ‘chemical laboratory analysis’ ng PDEA na nagkumpirma sa mga ilegal na droga.

Bunsod nito, naglabas si District Collector Alexandra Lumontad ng warrant of seizure and detention laban sa mga kargamento.

Nagkasa naman ng ‘controlled delivery operation’ ang BOC at PDEA sa nakalagay na address ng consignee sa Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek makaraang tanggapin ang kargamento.

Nakakulong na ang suspek sa PDEA Detention Center at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)

598

Related posts

Leave a Comment