SHOPEE NADAMAY SA PROTESTA LABAN SA LOGISTICS PROVIDER

INULAN ng batikos ang e-commerce platform na Shopee matapos madamay sa reklamo ng mga delivery rider nito ukol sa mabagal na pasahod ng logistics provider na Placer8.

Sa isang video na inilabas sa Facebook ni Estrang Vench Alvarez, empleyado ng Placer8, makikita ang protesta ng mga delivery rider ng Shopee sa labas ng opisina ng Placer8 Logistics Express Inc. sa Taguig.

Reklamo ng riders, hindi umano nilabas ng Placer8 ang kanilang sahod noong buwan ng Disyembre 2020 at maging ang kanilang 13th month pay, na mandato ng gobyerno, ay naantala rin.

Nakasaad din sa post ni Alvarez na inatasan ng Placer8 ang mga rider nito na kunin ang kanilang sweldo ng 10PM hanggang 12AM sa Taguig, ngunit pagkarating nila doon ay sinabihan naman sila na sa Pasay na lamang pumunta.

“Kagabi nagpasahod 10PM to 12AM sa Taguig tapos biglang nagbago lumipat ng Pasay kaya di na kami tumuloy. Isipin mo 12AM papapuntahin ka pang Pasay WTF. Hays. Tapos sabi bukas meron daw pero ngayon wala. Mismong sahod namin pinaghihirapan pa namin makuha,” ayon sa video post ni Alvarez sa Facebook na umabot sa higit 26k shares.

Ang Placer8 ay isa lamang sa mga logistics provider ng Shopee na siyang taga-deliver ng mga order mula sa nasabing e-commerce platform.

Kabilang sa kanilang mga ahensya ang Ninjavan at J&T Express na kapwa logistics provider din.

169

Related posts

Leave a Comment