TABLA sina Sylvia Sanchez (Jesusa) at Angela Cortez (Jino To Mari) bilang Best Actress sa awards night ng 5th Sinag Maynila indie filmfest na ginanap noong Linggo ng gabi, Abril 7, sa Conrad Hotel.
Nang tawagin ang mga pangalan nila, lumapit si Sylvia kay Angela at magkahawak-kamay silang umakyat sa entablado.
Naunang nag-acceptance speech si Angela, na nagsabing hindi siya nag-expect na manalo.
“Congrats, Angela,” sambit naman ni Sylvia nang ipasa ni Angela ang mic sa kanya.
Pahayag ni Sylvia, “Honestly, sa maniwala ho kayo o sa hindi, natutuwa ako, kasi kami ni Angela ang nanalo. Kasama ko siya sa stage. Sa bahay pa lang, sinasabi ko sa make-up artist ko, kahit kay Ynez Veneracion, sa lahat ng nandoon, ‘Masarap manalo ng award. Masarap ‘yung nandito ka, nagpapasalamat at hawak mo ‘to [tropeo]. Pero dumating po ako sa point na kuntento na ako.
“Masarap ‘yung maririnig ko na lang sa mga importanteng tao at sa lahat ng mga taong naniniwala sa akin na nagampanan kong mabuti ‘yung pelikulang ‘yon. At ang dami kong narinig. Nagpapasalamat ako. Tropeo ko na ‘yon. At ang sinabi ko kanina, ayan si Ynez — gusto ko, si Angela ang manalo.”
Humarap si Sylvia kay Angela, “Alam mo, bakit kasi, gusto kong bigyan ng tsansa ‘yung mga bata, ‘yung mga bagong artista… Na katulad ko rin noon, ahmm… grabe rin ‘yung hirap at gapang ko para tawaging isang aktres. Hindi starlet. Iyong aktres in the true sense of the word.”
Gumaralgal ang boses ni Sylvia, “Alam niyo po, ahh… masaya ako para sa ‘yo, Angela! Totoo lang. Sa totoo lang, K!
“Gusto ko na manalo si Nar [Cabico] at si Angela, dahil gusto kong iangat sila bilang mga bagong artista.”
Si Nar ang Best Actor para sa Akin Ang Korona.
Ang tatlo pang nominadong Best Actress ay sina Angel Aquino (Akin Ang Korona), Liza Lorena (Persons of Interest), at Mara Lopez (Pailalim).
SARI-SARING EKSENA
Sa acceptance speech ni Nar Cabico bilang Best Actor, nagpasalamat siya sa kanyang husband for two years na. So meaning Best Actress din siya, BenThought! May hubby siya. Triple-tie?
Hindi umakyat si Ice Seguerra nang tinawag ng hostess na si Sarah Hernadez Kho para samahan ang kanyang partner for pictorial after mag-speech ni FDCP Chairwoman Liza Dino-Seguerra. Hindi nagpahalata si Ice ng pagkasuya nang banggitin na “wife” siya ni Liza. So daming bloopers ng hosts ng gabing ‘yon.
Super enjoy ang ka-table naming sina Direk Jay Altarejos, Angela Cortez, Direk Perry Escano.
Si Director Harlene Bautista na nakatanggap din ng citation for her Short Film na si Kiko Matos ang bida ay may escort na “foreigner.” Ayaw lang ni Direk Harlene na ibigay sa amin ang name ng “date” niya that night. And we respect her decision.
167