Nakatanggap ako ng sumbong mula sa apat nating mga kabayani na sina Gina Lanasa, Nasrene Pahuyo, Jonalyn Formalejo at Elma Coralde na nasa Al Madinah, Saudi Arabia.
Silang apat ay dineployed ng Allied International Manpower Services Inc. na pag-aari pa naman din ng isang Saudi national na si Salman Al Swelem.
Ayon sa sumbong ng apat na kabayani ay ni-recruit sila ng nasabing ahensya bilang kasambahay, ngunit pagdating nila sa Saudi Arabia ay ginawa silang cleaner sa King Fish Restaurant.
Ang masaklap sa kanilang dinaranas ay hindi sila binibigyan ng sweldo sa kanilang pinagtrabahuhan, at wala rin silang sapat at maayos na tulugan dahil doon mismo sila pinapatulog sa loob ng restaurant.
Heto ang nilalaman ng sumbong na aking natanggap:
“Humihingi po kami sa inyo ng agarang aksyon para sa aming kalagayan ngayon dito sa Madinah KSA, ang amin pong mga reklamo ay hindi maayos na pagpapasahod, hindi maayos na tirahan, dito po kami nakatira sa restaurant na aming pinapasukan na iisang kwarto lamang at walang kusina at bathroom kundi kwarto lamang po.
“Nais po naming makahingi ng tulong sa inyo upang makaalis na kami sa lugar na ito. Iisang buwan na po kaming walang trabaho kasi nga po ‘yung aming employer ay nakakulong na, ang gusto ng humahawak sa amin ngayon ay ibebenta kami sa iba.
“Ayaw na po namin na ibenta kami uli sa ibang employer at gusto na lang naming umuwi. Palagi rin nilang kinukuha ang celphone namin. Ang aming mga papeles ay working as a domestic helper pero rito kami nagtatrabaho ngayon sa isang malaking restaurant na ang pangalan ay King Fish Restaurant KSA Al Madinah Al-Munarawa Al Hijrah Road. Sa aming kontrata ay dapat kami ay sa Riyadh pero rito po kami dinala sa Al Madinah.”
Noong aking natanggap ang sumbong ng ating mga kabayani, ay agad ko silang tinawagan sa pamamagitan ng Messenger Voice Call at doon ko napag-alaman na ilang beses na pala silang humingi ng tulong sa kanilang ahensya na Allied International Manpower Services ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi man lamang gumagawa ang kanilang ahensya ng aksyon para sila ay matulungan.
Ipinarating din nila ang reklamo sa may-ari na si Salman Al Swelem, ngunit hindi man lamang ito gumawa ng kahit na anong hakbang, kung kaya sinasabi nila na walang pagmamalasakit sa kanila ang may-ari nito gayong siya ay isa ring Saudi national.
Ako ay nananawagan kay POEA Administrator Bernard Olali upang busisiin at bigyan ng karampatang aksyon ang walang pagmamalasakit ng Allied International Manpower Services. Gayundin, ako ay nakikiusap kay OWWA Administrator Atty. Hans Cacdac na ipag-utos sa ating magigiting na Welfare Officers sa Saudi Arabia na matulungan ang ating apat na kababaihan na nasa Al Madinah, Saudi Arabia. (BANTAY OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
207