PATULOY nang umaayos ang kalagayan ngayon ni Janine Berdin kaya nakabalik na sa trabaho.
Matatandaang pansamantalang nagpahinga ang dalaga sa pagkanta sa ‘ASAP Natin ‘To’ at ‘It’s Showtime’ nang matuklasang mayroong nodules sa lalamunan ang singer.
Aminado si Janine na nakaramdam siya ng takot na baka makalimutan na ng mga tagahanga kung mas matagal pa siyang hindi napapanood sa telebisyon.
“A lot better na. Siyempre not everyone gets the chance to perform on ASAP and It’s Showtime. Ako na-feel ko po na nasasayangan ko ang opportunity tsaka baka pagbalik ko ‘yung fans ko, nawala na, natakot po ako siyempre. But naramdaman ko naman ‘yung support nila during my rest. Kahit nawala ako sandali lagi sila nag-tweet sa akin at nag-message,” nakangiting pahayag ni Janine.
Nakaranas din ng pambabatikos ang Tawag ng Tanghalan Champion mula sa netizens sa social media na diumano’y nagparetoke ng mukha kaya mukhang namamaga bago magtapos ang 2019.
Nilinaw naman ni Janine na talagang vocal nodules ang mayroon siya at nagkakaroon daw nito kapag sobrang nagagamit ang singing voice.
“Overuse sa voice and hindi proper ‘yung placement. Hindi rin talaga ako nag-train professionally like amateur singing contest lang naman ako na dumiretso sa Tawag ng Tanghalan, diretso dito. Kaya hindi ko alam kung ano ang tamang techniques,” pagbabahagi niya.
Malaki ang pasasalamat ni Janine sa mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa kanya sa dalawang programa.
Gagawin daw ng singer ang lahat ng makakaya upang mapasaya ang mga taong nagmamahal sa kanya. “Feeling a lot better and I feel secure na. Kasi na-feel ko ‘yung challenge na ‘yon noong nawala ako tapos mayroon pala akong support system na ganito, ang ASAP family and It’s Showtime family ko, at mas happy ako to know na they’re all behind my back,” pagtatapos ng singer
348