Si Pacquiao at mga taksil

SA Linggo (oras sa Maynila), tatangkain ni eight division champ Manny Pacquiao na magwagi laban kay Cubanong WBA welterweight titlist Yordenis Ugas sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Matatandaan na noong bago dumating ang pesteng coronavirus sa mundo noong nakaraang taon, na nagparalisa sa halos lahat ng mga bansa kabilang ang Pilipinas, parang laging lockdown din sa buong bansa sa tuwing may laban si Manny.

Halos walang makikitang naglalakad o ­bumibiyahe sa kalye dahil halos lahat ay nakikinig sa radyo o nanonood ng TV. Ang mga nakaaangat sa buhay ay nag-aabang sa sinehan o mga kainan na may live telecast, habang siksikan sa stadium at plaza na may free wifi ang mga ordinaryong masa na nag-aabang sa laban ni Pacman.

Maging ang mga pulis at sundalo ng pamahalaan, mga kawatan at mga rebelde ay biglang nagkakaroon ng ceasefire. Ganoon din ang mga magkakaaway sa pulitika.

Natatandaan ba ninyo si dating ­Congresswoman Darlene Magnolia Antonino, na nakalaban ni Pacquiao sa unang tangka niya sa pulitika? Sa isang laban ni Manny, si Cong Darlene mismo ang nagsumikap na maglagay ng higanteng TV set sa isang liwasan sa General Santos City at kasama ang kanyang mga kababayan na nanood at ­nagdiwang nang nanalo ang Pambansang Kamao.

Ngunit ngayon ay nalulungkot si Mang Kiko, aking paboritong taksi drayber noong nakalalabas pa ang kolumnistang ito bago mag-lockdown, dahil malayo nang mangyari ang ginawa ni Cong. Darlene noon.

“Eh, bago pa lang umalis si Sen. Manny patungong Los Angeles para maghanda sa laban e pinatalsik na siya ng kanyang mga kapartido bilang presidente nila,” sambit nito.

“At noong nasa kainitan na si Manny ng pag-eensayo, ipinamalita pa ng kanyang mga kalaban na aalisin din siya bilang miyembro ng partido. Ano pa ang maaasahan sa mga ganyang politiko?” galit na sabi ni Mang Kiko.

“Tanggapin natin ang katotohanang madumi ang uri ng politika dito sa ating kawawang bansa. At ang mga politiko, walang iniintindi kundi ang kanilang sariling kapakanan lang!”

Dagdag pa niya, si Sen. Pacquiao ay maututuring nang bayani ng bansa sa dami ng mga karangalang naiuwi nito.

Kinuwestiyon naman ni Mang Kiko ang mga kumakalaban sa kanyang idolo. “Sino ba itong mga taong ito? Ano na ang kanilang nagawa para makilala ang ating bayan at igalang tayong mga Pilipino?

“Wala na nga silang nagagawa sa bayan, ­inaapi, kinakawawa at nilalait pa nila ang isang bayaning sa loob ng napakatagal na panahon bilang boksingero ay napakarami nang nagawa para sa ating bansa.

“Hindi kaya pagtataksil sa bayan ang ginagawang ito ng mga kaaway sa politika ni Sen. Manny?” tanong pa ni Mang Kiko.

Nakausap ng inyong lingkod sa telepono noong Huwebes si Manny at nabanggit sa kanya ang mga tinuran ni Mang Kiko, at ito ang kanyang naging sagot:

“Pakisabi sa ating mga kababayang nasa Pilipinas, huwag silang mag-alala. Hindi ako naaapektuhan ng nga nangyari bago ako umalis ng bansa at kahit ngayong ilang araw na lamang ay aakyat na akong muli sa ring dala ang ating bandila. Tulad ng dati ay gagawin kong lahat ng aking makakaya upang pagsilbihang muli ang ­ating bayan at kayong aking mga kababayan sa paraang kaya ko —boksing.

“Umasa kayong muli kong dadalhing pabalik sa Pilipinas ang koronang ipinagkait sa akin hindi sa ibabaw ng ring kundi sa conference table. Handang-handa na po akong makipagbasagan ng mukha. Hiling ko lang po ay ipagdasal ninyo ako at lahat ng aking mga kasama dito.”

329

Related posts

Leave a Comment