NAGING ganap na super typhoon ang Bagyong Odette bago tumama sa Siargao Island bandang ala-1:20 ng hapon ng Huwebes.
Sumentro sa nasabing isla ang bagyo at napanatili ang lakas na 185 kph at may pagbugsong 230 kph.
Kasunod nito, itinaas ang signal number four (4) sa Southern Leyte, eastern portion ng Bohol, Dinagat Island, Surigao del Norte kasama na ang Siargao at Bucas Grande Islands.
Ayon sa PAGASA, patuloy na kikilos sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran o Kanluran ang bagyo.
Posible rin itong mag-landfall sa Dinagat Islands bago tahakin ang ilang probinsya sa Central at Western Visayas regions bago umabot sa Sulu Sea, Biyernes ng umaga.
Kabilang ang PCG sa mga nagsagawa ng pre-emptive evacuation sa Bohol bilang pag-iingat sa inaasahang pagtama ng Bagyong Odette.
Nasa 40 indibidwal ang inilipat sa mainland Tubigon sakay ng Coast Guard Aluminum Boat 098 at MBCA Bandong.
Sa Misamis Oriental naman ay mahigit 400 pamilya ang inilikas.
Bunsod nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga stranded na pasahero na sa huling ulat ay sumampa na sa 3,440.
Sa datos ng Philippine Coast Guard, 78 vessels at 1,665 na rolling cargoes at 11 motorbanca ang nakatengga dahil sa masamang panahon.
Kinansela naman ang nasa 85 flights.
Batay sa inilabas na abiso ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa nasabing bilang ay 42 ang arrival flights at 43 ang departure. (JESSE KABEL)
