MAHIGIT 300 militanteng manggagawa na pinamunuan ng Kilusang Manggagawang Socialista (SOCiALiSTA) ang nagdaos ng kilos-protesta nitong Huwebes ng umaga sa Mendiola, Maynila upang ipanawagan ang pagbuwag sa anila’y “bulok at elitistang sistema” at ang pagtatatag ng “tunay na Gobyerno ng Masa.”
Bahagi ng programa ang simbolikong pagbuwag sa estrukturang sumasagisag sa korupsyon, bilang pagpapahayag ng galit ng mamamayan sa anila’y “walang katapusang imbestigasyon” sa Senado, Kongreso, at iba pang ahensya na hindi nauuwi sa pananagutan.
Ayon kay Ding Villasin, tagapagsalita ng SOCiALiSTA, patuloy umanong pinahihirapan ng malawakang korupsyon ang mamamayang Pilipino, lalo na sa gitna ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima at pagkasira ng mga imprastraktura.
“Hindi lang mga tulay at dike ang winawasak ng katiwalian—buhay at dangal ng mamamayan ang isinasakripisyo. Ang mga elitistang pulitiko ang patuloy na nakikinabang sa paghihirap at trahedya ng bayan,” ani Villasin.
Dagdag pa niya, bilyon-bilyong piso ang nawawala taon-taon sa mga kickback at insertion sa pagitan ng ilang mambabatas at pribadong contractor, habang ang mahihirap naman ang lumulubog sa baha, nawawalan ng tirahan, at bumabagsak sa krisis.
Nanawagan ang SOCiALiSTA sa uring manggagawa, na tinukoy bilang “mayorya ng lipunan at tanging yaman ng bansa”, na pangunahan ang laban upang wakasan ang paghahari ng mga elitista.
“Panata namin na pukawin, organisahin, at pakilusin ang masang Pilipino hanggang sila mismo ang magpasya na buwagin ang gobyernong korap at itayo ang Gobyerno ng Masa, isang sistemang tunay na naglilingkod sa bayan,” pagtatapos ni Villasin.
101
