SILID-ARALAN PROBLEMA TUWING PAGBUBUKAS NG KLASE

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

KAILAN kaya mawawakasan ang kakulangan ng mga silid-aralan ng mga ­estudyante?!

Sa tuwing pagbubukas ng klase, laging unang kinahaharap na problema ng bagong kalihim ng edukasyon ay ang reklamong kakulangan ng mga silid-aralan ng papasok na mga estudyante.

Mabuti na lang nagkaroon ng ika nga’y ESTRATEHIYA tulad ng blended Learning para sa mga lugar na walang sapat na silid-aralan o pasilidad para sa mga mag-aaral.

Sana sa pag-upo ni Vice President Sara Duterte sa Department of Education ay matuldukan na ang ­naturang problema na siya na lamang palaging bumubungad sa pagpasok ng bagong administration.

Samantala, ipinagmama­laki naman ni DEPED SPOKESPERSON MICHAEL POA na handang-handa na ang mga paaralan para sa face-to-face classes ngayong linggong ito.

Maging ang Pamunuan ng Philippine National Police ay nakatutok din sa pagbubukas ng klase, maging ang local ­government units.

oOo

Nitong nakalipas na Lunes, August 15, 2022, pormal nang itinalaga ni JUSTICE SECRETARY JESUS ­CRISPIN “BOYING” REMULLA, si ATTY. MICO CLAVANO, bilang tagapagsalita ng DEPARTMENT OF JUSTICE (DOJ).

Si Atty. Clavano ay dating Associate Solicitor ­General o abogado ng gobyerno, nagtapos siya ng kanyang abogasya sa Ateneo de Manila University Law School. At naging ganap na abogado makaraang ­makapasa sa 2018 bar examination.

oOo

Samantala, itinalaga naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), si dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda bilang Senior Deputy Administrator ng National Irrigation Administration (NIA).

Si Antiporda ay siyang ­nanguna sa paglilinis ng Boracay kasunod na rin ng kautusan ni noo’y Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na maisailalim sa malawakang paglilinis at rehabilitasyon ang nangungunang beach resort sa bansa at nangungunang tourist ­destination.

Kasama ni Antiporda noon ang binuong BORACAY INTER-AGENCY TASK FORCE, na tumibag sa ilang ilegal na mga istruktura sa Boracay at pagsasaayos na rin ng mga itinatapong dumi sa BORACAY.

oOo

SAMAHANG MAGSISIBUYAS SA NUEVA ECIJA, NANININDIGAN NA MAYROONG SAPAT NA SUPPLY NG PULANG SIBUYAS

‘Yan ang inihayag ni ­General Manager ARNEL LLAMAS ng Katipunan ng mga magsisibuyas sa NUEVA ECIJA, ito’y base na rin sa isinagawang konsultasyon ng Bureau of Plant Industry (BPI), dalawang linggo na ang ­nakalilipas.

Binigyang diin ni LLAMAS na nasa tatlong daang libong sako ng sibuyas ang inani nila noong buwan ng Pebrero hanggang kalagitnaan ng ­Marso. Kaya’t sapat aniya hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan ang supply ng pulang sibuyas.

Gayunpaman, aminado naman si Llamas na mayroon talagang kakulangan sa supply ng puting sibuyas.

230

Related posts

Leave a Comment