AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
DUMULOG sa AKO OFW ang ating kabayani na si Jocelyn Dalisay upang humingi ng tulong na makauwi na sa Pilipinas upang siya ay makapagpagamot ng kanyang iniindang karamdaman.
Si Jocelyn ay nakarating sa Najran, Saudi Arabia noon lamang Oktubre 16, 2021 sa pamamagitan ng LSJ Manpower Services.
Sinisisi ni Jocelyn ang sobra-sobrang trabaho na ipinagagawa sa kanya kung kaya naging sanhi ito ng kanyang halos apat na buwan na pagdurugo.
Dahil dito ay hiniling niya sa kanyang employer na siya ay dalhin sa ospital upang makapagpagamot. Natuklasan ng mga doktor doon na siya ay may ovarian cyst.
Dahil dito ay kinakailangan n’ya na ma-confine sa ospital at doon ay sinalinan siya ng dugo.
Dumagdag pa sa kanyang iniisip ang kanyang dalawang anak na malamang ay hindi makapag-enroll dahil ang pera na kanyang inipon para sa matrikula ng kanyang anak ay kinuha pa ng ahensya sa Saudi Arabia.
Narito ang salaysay ni Jocelyn:
“Ako po si Jocelyn Dalisay, humihingi po ng tulong na makauwi ng Pilipinas dahil po nagkasakit ako noong July16, 2022 sa sobrang trabaho, na-admit po ako ng 4 days at nasalinan ng dugo, 3 bags. Ang aking hemoglobin ay 5.4% at 4 na buwan po ako dinudugo at ang aking ovarian cyst ay may nakita po na kailangan ko po magpa-laboratory para po maagapan ang aking sakit at makainom ng gamot.
Ang aking pera na para sana sa pag-aaral ng aking mga anak ay kinuha ng opisina kaya po ang dalawang anak ko ay hindi makakapasok ng school. Sabi pa nila na wala daw po sila pakialam kung hindi makapag-aral ang mga anak ko. Sana po matulungan n’yo ako makauwi ng Pilipinas.
Single mom po ako, wala po bumuhay sa ‘min kundi ako lang po. Sana po matulungan n’yo po ako. Wala na po ako malapitan, lahat na nilapitan ko pero wala pa po action… Maraming salamat po.”
Ang sumbong na ito ni Jocelyn ay agad nating ipinarating kay Atty. Sherylin Malonzo ng OWWA E-CARES para sa mabilis na pakikipag-ugnayan sa POLO at sa ahensya ni Jocelyn para sa mabilis na pagpapauwi sa kanya sa Pilipinas.
