BUKOD sa face mask, mandatory na rin ang paggamit ng face shield ng mga empleyado sa kanilang workplace simula sa Sabado, Agosto 15.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III, layon nito ang kaligtasan ng mga empleyado habang nasa trabaho.
Kaugnay nito, dapat aniyang sagot ng mga employer ang face shield ng kanilang mga manggagawa.
Ang mga kompanya na hindi susunod ay mahaharap sa parusa o administrative penalties.
Matatandaang sa memorandum circular no. 2020-014, pinare-require din ng Department of Transportation (DOTr) ang mga pasahero na magsuot ng face shields sa pampublikong
transportasyon, simula Agosto 15.
Dahil dito, binabantayan na ng Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang posibleng pagkakaroon ng
artificial shortage ng face shields dahilan para lumobo ang presyo nito simula Agosto 15.
Bukod sa social distancing, dapat ding ipinatutupad sa mga workplace ang sanitary at health protocols katulad ng paghuhugas ng kamay at temperature check.
OVERKILL
Pinalagan naman ni Senadora Imee Marcos ang nasabing kautusan.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos na dapat isapubliko ng gobyerno kung sino ang mga importer at lokal na suplayer ng face shields at tukuyin ang posibleng koneksyon sa mga opisyal mula sa mga
departamento ng kalusugan, transportasyon, labor, at trade and industry na maaring kumita sa pagbenta ng produkto.
“Puwedeng localized o voluntary, pero kapag mandatory ay overkill na yan. May iba pa bang bansa na nagrerekomenda sa sabay na paggamit ng face shield at face mask maliban sa loob ng mga
ospital?” ayon kay Marcos.
“Biglang nagkaroon ngayon ng SRPs (suggested retail prices) para sa face shields, pero walang pormal na guidelines sa publiko para sa tamang kalidad at uri ng produkto para maprotektahan ang
mga konsyumer. Ilang beses ba yan puwede gamitin minsanan o puwede ulitin, paano lilinisin, ligtas ba yan gamitin at hindi madali masunog ang materyales, ano ang mga pag-iingat na dapat gawin ng mga gagamit?” tanong ni Marcos.
Mismong U.S. Centers for Disease Control and Prevention ang nagbabala na ang pagsusuot lang ng face mask mismo “maaaring magpalala sa pisikal o mental na kondisyong pangkalusugan, maaring magbunsod ng medical emergency, o magkaroon ng panibagong problemang pangkalusugan.”
“Bukod sa hindi kumportable, hindi ba masu-suffocate ang mga may high-blood pressure, sakit sa puso o asthma pag may face shield at mask? Gaano kahabang oras titiisin ng mga manggagawa sa opisina at pabrika ang pagsusuot nito na pahirap pa sa paghinga?” tanong ni Marcos.
“Kung talagang airborne ang virus, wala ring silbi ang paggamit ng face shields na bukas ang mga gilid, lalo sa mga lugar na sarado at nare-recyle ang umiikot na hangin,” dagdag ni Marcos. (JESSE KABEL/ESTONG REYES)
176
