HINILING ni Senador Nancy Binay sa Philippine National Police (PNP) na maglunsad ng malawakang pagtugis sa sindikato at grupong kriminal na gumagawa at nagbebenta ng pekeng bakuna sa halip na pagtuunan ang “perceived threats.”
Sa pahayag, umapela rin si Binay sa PNP na maging maingat sa kanilang oversight sa pangangalap ng mahahalagang impormasyon hinggil sa ilegal na pagbabakuna, clandestine vaccination clinics, manufacturing at pagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccines.
“Instead of spending time questioning innocent individuals, pursuing false leads and chasing phantoms, bakit di na lang habulin yung mga sindikatong nagkakalat ng pekeng bakuna. With criminal groups taking advantage of the situation, our PNP should focus on real threats to public health, and not perceived threats,” ayon sa senador.
Idinagdag pa ni Binay na mas banta sa pampublikong seguridad at pampublikong kalusugan ang pekeng produkto na ibinebentang patago kaysa teacher-volunteers na kinukuwestiyon sa pagtulong sa mga mag-aaral sa mga liblib na lugar sa Mindanao.
Nitong Lunes, ipinost ni Pasig Mayor Vico Sotto sa kanyang Twitter ang screenshot ng isang seller na nag-aalok ng 50 vials ng pekeng Pfizer COVID-19 vaccines sa halagang P60,000.
“Merong failure of intelligence dito kasi noong October pa lumabas ang mga reports ng illegal vaccines na kumakalat sa merkado, pati na yung clandestine innoculation ng mahigit 100,000 Chinese POGO workers, pero patuloy pa rin yung pagbebenta ng mga pekeng bakuna at operation ng underground clinics,” ayon kay Binay. (ESTONG REYES)
