SINIMULAN ng Bureau of Customs (BOC), tinapos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ito ang kwento ng isang arestadong suspek na pinaniniwalaang bahagi ng malaking sindikato sa likod ng pagpupuslit ng droga sa bansa.
Hindi na nakapalag ang suspek na kinilala sa pangalang Lunel Paden nang dakpin ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at BOC, sa aktong pagtanggap ng kontrabando sa kanyang tirahan sa Barangay Pasil sa lungsod ng Cebu.
Sa imbentaryo, lumalabas na aabot sa halagang P6.7 milyon ang halaga ng 2,900 pirasong ecstasy na una nang nabisto noong Hunyo 10 ng mga kawani ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport kung saan pinadaan ang kontrabando.
Pag-amin ng PDEA, matagal na nilang hinahagilap si Paden na makailang ulit na nilang sinubukan dakpin.
“The suspect has long wanted to get ecstasy. Now, he finally answered our text message, so we decided to conduct the operation,” ayon sa PDEA.
(JO CALIM)
400 