SINO NGA BA PASAWAY?

SINO nga ba ang pasaway kaya patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa? Ang mga nasa gobyerno ba o ang taumbayan?

Magbalik tanaw tayo at kung ang panig ng mamamayan ang titingnan natin, alam natin na bago ang ­pandemyang ito noong ­Disyembre 2019, kaliwat-kanang handaan ang naganap.

Nariyan ang inuman, pasahan ng baso sa magkakainuman, harapan na mga kwentuhan at kasiyahan, sama-samang kumakain at sabay-sabay na pagyoyosi.

Ilan lamang yan na ­posibleng pinagmulan ng kumpol na hawaan ng COVID-19.

Mahigit isang taon nang magsimula ang COVID pandemic sa bansa mula noong early 2020, pero hanggang ngayon ay marami pa ring hindi naniniwala sa dulot nito sa tao.

Kaya marami rin sa tao ang hindi sumusunod sa health protocols na ipinatutupad.

Hindi rin nasusunod ang isang metrong layo sa bawat isa para makaiwas sa droplets mula sa kanyang katabi.

Ang iba naman may dala ngang face mask at face shield pero hindi naman tama ang ginagawang paggamit.

Hindi rin makatiis ang iba na sa halip na sa bahay na lang mamalagi ay kung saan-saan pa nakakarating.

Kaya naman pag-uwi niya, virus ang kanyang pasalubong sa kanyang pamilya.

Kaya ayun pami-pamilya na ang hawaan ngayon.

May gumagawa pa ng ilegal sa gitna ng matinding kinakaharap ngayon ng sangkatauhan mula sa COVID-19 pandemic.

Bisyo tulad ng sugal, ilegal na droga at iba pang ­korapsyon na kinasasangkutan ng tao.

Hindi rin naniniwala ang iba sa bisa ng bakuna.

Maging ang COVID-19 pandemic ay isang uri lang daw ito ng gimmick ng mga negosyante sa buong mundo.

May nagsasabi pang kakaunti lang naman daw ang namamatay dito kung ikukumpara sa iba pang sakit na nararanasan ng mga Pinoy.

Kaya ang mamamayan ang sinisisi ng gobyerno kaya sumipa ang COVID cases ngayong 2021.

Pero para sa iba, ang ­gobyerno daw ang may pagkukulang kaya mabilis ang pagdami ng COVID-19 cases.

Kabilang na ang hindi magkakaparehong contact tracing ng mga Local Government Units (LGU) gayundin ang hindi daw pagsunod ng ilang local executives sa mga alintuntunin ng national ­government.

Magkakaiba rin ang patakaran sa quarantine na ipinatutupad ng mga LGU na nagdudulot ng kalituhan sa kanilang mga kababayan na gustong umuwi sa kani-kanilang mga lugar.

Maging ang mga may matataas na katungkulan sa gobyerno ay hindi rin sumusunod sa health protocols.

Pabagu-bago rin daw ang patakaran ng national ­government, minsan mahigpit at pag dumami na naman ang COVID-19 cases ay bigla na namang maghihigpit.

Maging ang mga opisyal na miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay hindi rin magkakatugma ang kanilang mga sinasabi.

Kaya isa rin ito sa pinagmumulan ng kalituhan sa taumbayan.

Sinisisi rin ng taumbayan ang national government partikular ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mabagal na pamamahagi ng Social Amelioration Program fund na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang ikalawang bugso.

Pinunan rin ng marami ang mabagal na pagtugon ng gobyerno sa pagbili ng bakuna na hanggang sa ngayon ay halos nasa 2 million doses pa lamang ang nasa Pilipinas.

Kahit kelan daw ay usad pagong ang pagtugon ng ­gobyerno sa mga pangangailangan ng taumbayan.

Pag nagkataon ay siyam- siyam daw ang abutin bago matapos ang pagbabakuna sa nakararaming populasyon ng Pinoy.

Maging sa unang priority list na frontliners hangggang ngayon ay marami pa ang hindi nababakunahan.

Minsan may nakakasingit pa na mauna sila mabakunahan dahil malakas sila sa ilang opisyal ng gobyerno.

May mga nagsasabing ‘wag nang magsisihan, pero maiiwasan bang walang masisisi sa maraming napeperwisyo at may mga nagbubuwis ng

buhay dahil sa kanilang mga kapabayaan?

Kung ayaw nyong masisisi kayo, ayusin nyo ang inyong mga trabaho.

Magkaisa tayong lahat mula sa gobyerno hanggang sa taumbayan.

Kung hindi natin gagawin ngayon, kelan pa? Pag wala na ang kabayo?

Unti-unti nang natutupad ang sinasabi ng OCTA research ng University of ­the Philippines (UP) na aabot ng 8k kada araw ang Covid cases hanggang sa katapusan ng Marso at posible pang umabot ng 18k hanggang 20k kada araw sa kalagitnaan ng Abril.

Pag nagkataon, saan pupulutin ang Pinas?

Punuan na ang mga ospital dahil sa mabilis na pagdami ng mga pasyente na may kinalaman sa COVID.

Ang bansang Brazil noong isang araw ay nakapagtala ng 3k ang patay sa isang araw dahil sa COVID.

Sana hindi tayo matulad sa kanila.

‘Wag na natin antayin pa na matulad tayo sa kanila.

Lord kayo na po ang bahala sa mga Filipino, amen.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

104

Related posts

Leave a Comment