TULUYAN nang sinukuan ng Commission on Audit (COA) ang pagsusuri sa pananalapi ng isa sa pinakamalaking barangay sa Calabarzon region bunsod ng hayagang pagmamatigas ng mga opisyal ng barangay na maglabas ng anomang tala ng mga pinagkagastusan nito mula pa noong 2014.
Sa isang pahinang kalatas, inirekomenda rin ng COA ang agarang suspensyon ni Kapitan Allan de Leon ng Barangay Dolores sa bayan ng Taytay dahil sa umano’y patuloy nitong pagmamatigas na magsumite ng mga kaukulang dokumentong magpapatunay na walang anomalyang kalakip ang mga paglalabas ng salapi ng barangay mula pa taong 2014, batay na rin sa tala ng bangko kung saan nakalagak ang pera ng nasabing barangay.
Bukod kay de Leon, pinagpapaliwanag din ng COA ang ingat yaman ng Barangay Dolores na si Olivia Adriatico kaugnay ng kanilang kabiguang ilahad ang mga detalye at dokumento kung paano naubos ang pera ng kanilang barangay nitong nakaraang walong taon.
Inatasan naman ng COA ang officer-in-charge ng Taytay Municipal Accounting Office na si Carina Arabit, na magsumite ng ulat ng paglalahad ng aksyon at rekomendasyon ng lokal na pamahalaan kaugnay ng naturang barangay.
Kabilang sa kwestiyonableng disbursement ng Barangay at ang Cash Advance at Petty Cash and Reimbursements ng nasabing kapitan.
Sa isang liham na ipinadala at tinanggap ng opisina ng Punong Barangay, pinaalalahanan ng COA sina de Leon at Adriatico hinggil sa kanilang mandato at panuntunan sa ilalim ng Civil Service Law, Procurement Act at Local Government Code.
Sa tala ng nasabing ahensya, malaking halaga ang kailangang ipaliwanag ni de Leon at ng ingat yaman ng nasabing barangay, lalo pa’t para sa taong 2019 pa lamang, lumalabas na mahigit P12 milyong halaga ng transaksyon ang pinaniniwalaang may bahid alinlangan, ayon mismo sa COA.
Kabilang dito ang tatlong transaksyong nagkakahalaga ng P6.38M, P5.31M at P1.069M.
Wala na anila silang makuhang dokumento ng paggamit ng pondo para sa iba pang taon mula 2014 sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pagpapadala ng liham na nilagdaan naman ng tanggapan ng barangay, patunay na nakarating sa nasabing kapitan ang kalatas ng COA.
Kaya naman nagpasya ang COA — tigil na lang ang pag-o-audit. Anila, hindi nila magawang mag-audit, dahil wala naman silang susuriin. (KNOTS ALFORTE)
456 