Nagpasok ng milyones sa NAIA
ayaw humarap sa Senate probe
TINANGGIHAN ni Senador Richard Gordon ang P20 milyong suhol ng Rodriguez family na sinasabing kasama sa nagpapasok ng milyong dolyar sa bansa, huwag lamang silang ipatawag ng Senado sa gagawing imbestigasyon sa money laundering activities ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa panayam ng Senate media, sinabi ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na tinangka ng Rodriguez family na suhulan siya ng halagang P20 milyon, ngunit tinanggihan niya ito.
“Para huwag lang umappear, magdo-donate. Una donate [ng P5 million sa Red Cross]. ‘Maganda para sa iyo,’ ang susunod na sabi nila, P20 million sabing ganoon,” ani Gordon sa Senate reporters.
Sinabi ni Gordon na isang kaibigan ang nagpahatid ng mensahe ng pamilya Rodriguez sa kanya, ngunit hindi niya ito pinangalanan.
Nauna nang nagpalabas ng subpoena ang Blue Ribbon Committee sa pitong miyembro ng pamilya Rodriguez na inakusahang nagpapasok ng milyong halaga ng dolyar sa bansa. ESTONG REYES
