Kurdapyo ni TOTO NABAJA
PINAIIMBESTIGAHAN ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigit 200 personnel, kasama ang lahat ng regional directors at hepe ng major units ng Bureau Fire Protection (BFP). Aray Naku! Pakak!
Ito’y kasunod nang pagkaaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang tauhan ng BFP noong Agosto 24, na sangkot sa raket na “Slot for Sale” sa ikinasang entrapment operation sa San Fernando, Pampanga.
Mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya, nag-ugat ang pagkaaresto sa suspek makaraang magsumbong sa CIDG ang isang aplikante na gustong pumasok sa ahensya.
Teka, congratulations muna kay PCol. Grant Gollod ng CIDG Regional Field Unit 3, dahil sa mabilis na aksyon. Huli ka, balbon.
Mga Ka-Toto, bagama’t hi-tech na ang e-hiring na ginagamit sa aplikasyon, kasabay naman nitong nag-evolve ang utak ng sindikato sa BFP dahil naa-access pa rin nila ang mga pangalan sa roster ng mga aplikante.
Kinokontak ng mga suspek ang mga pangalan ng aplikante sa messenger gamit ang dummy account at kapag may kumagat, dito na magsisimula ang transaksyon para hingian ng pera kapalit ng slot sa BFP. ‘Di ba PCol. Gollod, Sir?
Tumpak! Dahil ayon sa ibinunyag ni DILG Secretary Jonvic Remulla P100,000-P800,000 ang itinatara ng sindikato sa isang aplikante kapalit ng assurance sa “slot for sale” scheme para makapasok sa ahensiya. Ambot sa bakang biyuda. Paldo mga Ka-toto, ‘di ba?
Biruin n’yo naman mga Ka-Toto, ngayong taon lamang sa datos ng BFP 22,637 ang nagnanais na makapasok sa ahensya, gayung 2,504 lang ang recruitment quota nila, kaya naman marami ang natutukso at nabibingwit sa “sure slot”.
Nangako naman si Remulla kasama si BFP Officer-in-Charge Fire Chief Superintendent Kwan Tiu na bubuwagin ang nabuking na raket sa loob ng anim na buwan o hanggang sa katapusan ng taon.
Isa sa naisip na paraan ay hilingin sa Civil Service Commission (CSC) na palitan ng QR code o number ang pangalan ng mga aplikante para mawalan ng access ang sindikato.
Oops teka lang! Sino kaya itong ibinunyag ni Remulla na isang Deputy Regional Director for Administration sa Region 4A na involve sa kaso at ni-relieve na sa pwesto, tsk, tsk, tsk.
86 