NAPAKARAMING probisyon sa kontrata ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. sa pamahalaan nang isapribado ang distribusyon ng tubig sa mga residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan noong 1997 na siguradong makukuha ng mga ito ang bilyun-bilyong tubo.
Sa talumpati ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go nitong Disyembre 9, idiniin nitong “Wala na ngang binabayarang corporate income tax ang concessionaires na ito dahil pinapasa na sa mga consumer, pagbabayarin pa nila ngayon ang taumbayan at ang gobyerno (P7.39 bilyon sa Manila Water at P3.4 bilyon sa Maynilad batay sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Singapore)? Bumaba na nga ang konsumo ng tubig ng publiko, patuloy pa rin ang pagtaas nila ng presyo (simula sa Enero ay muling tataas, ngunit inatras na ito ng dalawang kompanya).
Bilyun-bilyon ang corporate income tax ng Manila Water at Maynilad, ngunit ipinapasa nila sa kanilang mga customer.
Sabi ni Senador Francis Tolentino, noong 2018 ay P2 bilyon ang buwis ng Manila Water, samantalang P2.8 bilyon sa Maynilad.
Ipinasa ang nasabing bilyun-bilyong buwis sa mga kustomer ng dalawang kompanya dahil nakasaad ang pasa-buwis sa Seksyon 9.4 ng kontrata ng Manila Water at Maynilad sa pamahalaan, pagsisiwalat ni Tolentino.
Ibinunyag din ni Go ang ginagawa ng kompanyang pag-aari ng pamilya Ayala: “Manila Water, through its ‘fixers,’ have continuously opposed several water projects that would improve our water systems?”
“Saan naman kayo nakakita ng kompanya na hindi pa man naisasagawa ang mismong septic tank desludging nito, nangungolekta na sila agad ng ‘environmental charge’ sa kanilang mga consumer para rito. Ano ito: Pay now, service never?” birada ng bagitong senador.
Ibig sabihin, naningil, kumabig at kumita ng bilyun-bilyong pera ang Manila Water at Maynilad mula sa mamamayang Filipino, ngunit hindi naman nagagawa ang proyekto at serbisyong ipinangako sa mamamayan.
Sobra-sobrang ganid naman ninyo!
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271. (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
138