SOCIAL WORKER LANG NG DSWD MAAARING MAG-ASSESS SA MGA BENEPISYARYO NG AKAP – GATCHALIAN

INIHAYAG ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Rex Gatchalian na walang referral na kailangan para ma-access ang Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) dahil tanging mga social worker lamang ng DSWD ang makakatukoy kung sino ANG kwalipikado para sa programa at maging ang kaukulang halaga ng tulong na ibibigay.

Sa isang panayam, sinagot ng DSWD chief ang isang katanungan hinggil sa mga hakbang na isinagawa ng kanyang kagawaran upang maprotektahan ang AKAP mula sa paggamit ng mga politiko sa panahon ngayon ng pangangampanya para sa nalalapit na midterm elections sa darating na buwan ng Mayo.

Ayon sa kalihim, ang tanging desisyon para sa probisyon ng AKAP ay ginagawa ng DSWD na may mga kahilingan para sa tulong na maingat na tinasa ng mga social worker ng ahensya.

“Ina-assure namin na isang grupo lang ang pwedeng magtakda kung sino ang makakatanggap ng tulong pinansyal, iyong isang grupo lang ang pwedeng mangako sa inyo, iyan iyong mga social worker ng DSWD,” idiniin ni Gatchalian.

Ang AKAP ay ibinibigay sa mga indibidwal na kumikita ng mas mababa sa minimum na sahod sa mga sitwasyon ng krisis. Ang mga taong kwalipikado ay maaaring direktang pumunta sa tanggapan ng DSWD na pinakamalapit sa kanila, dala ang kanilang mga identification card at mga patunay ng ‘pangangailangan’ tulad ng medical bill, death certificate, hospital promissory note at iba pa.

Kaugnay nito, nilinaw pa ng kalihim ng DSWD na hindi pinapayagan ang mga politiko sa loob ng mga payout center ng kanilang ahensya, gaya ng nakasaad sa joint AKAP guidelines na binalangkas ng DSWD kasama ang National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Labor and Employment (DoLE).

“Sa mga guideline natin, hindi lang sa AKAP kundi sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Nakalagay naman talaga na bawal ang ating mga kaibigang politiko na magtungo sa mga payout center. Ibig sabihin, hindi sila puwedeng nandoon habang nagpi-payout kami,” wika ni Gatchalian.

Kaugnay nito, umapila din naman siya sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga politikong naglalabas ng mga pangako gamit ang AKAP at iba pang programa ng kagawaran dahil hindi nila maaaring maimpluwensyahan ang ahensya para sa kanilang personal na interes.

(PAOLO SANTOS)

18

Related posts

Leave a Comment