BINURA na ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng soft copies ng mga ballot face na ginamit sa May 12, 2025 elections.
Ayon sa Comelec, kasama sa mga burado na sa kanilang server ang official ballot voter’s information sheet, mga ginamit para sa field testing at sealing, at mga balotang muling inimprenta para hindi na magamit sa anomang paraan.
Ito na ang huling bahagi ng proseso ng ballot printing para matiyak ang transparency na karaniwang ginagawa pagkatapos ng halalan, ayon sa Commissioner-in-charge ng Committee on Ballot Printing na si Rey Bulay.
“Bilang pagsunod sa Commission en banc na nag-approve po ng prosesong ito noong May 27, 2025, in accordance with the Data Protection Act, ito po ang aming pagsunod at pag-comply,” sabi ni Bulay.
Ayon pa sa Comelec, nagpapatuloy ang pagsira sa mga hard copy ng mga balotang ginamit noong eleksyon para hindi na ito mapakinabangan pa o magamit sa maling paraan.
(JOCELYN DOMENDEN)
