HINIKAYAT ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang mga local government unit (LGU) na magsagawa ng dry run sa kanilang localized version ng Learning Continuity Plan (LCP) ng Department of Education (DepEd) bago buksan ang klase sa Agosto 24.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education and culture, na habang nakatakdang magsagawa ang DepEd ng dry run sa distance learning sa unang linggo ng Agosto, matutukoy ang pain points at solusyon sa dry run ng LGU upang gumanda ang implementasyon ng localized LCP.
Aniya, dapat magdisenyo ang LGUs sa kanilang dry run ng pinakamagugustuhang modalities ng learning delivery sa kanilang nasasakupan.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang Navotas na namamahagi ng mga kahon na naglalaman ng textbooks, self-learning modules, activity sheets, at school supplies.
“The Schools Division Office of Alaminos is also showcasing how both modular and online learning can be delivered,” aniya.
Kabilang sa alternatibong pamamaraan ng learning delivery sa ilalim ng modular learning o paggamit ng printed at digital modules, online learning at paggamit ng radio at telebisyon.
Bahagi ng Learner Enrollment Survey Form ng DepEd ang pagtukoy ng mag-aaral ang devices na nandyan na at gustong modalities para sa paghahatid ng katuruan.
Ayon sa ahensiya, umabot sa 7.2 milyong mag-aaral ang gusto ang modular learning, instruction mula sa telebisyon at radio at iba pang modalities habang 2 milyong bata naman ang online learning ang gusto.
“Since connectivity is a challenge to most learners and modular learning is the most preferred mode, LGUs should have a dry run on the distribution of printed self-learning modules,” giit ni Gatchalian.
Bukod sa pagtitiyak na ligtas at episyente ang distribusyon ng modules na ito, idinagdag pa ng mambabatas na parehong mahalaga na matukoy kung saan epektibo ang mag-aaral na matutunan ang mga lesson mula sa modules na ito.
Aniya, dapat gumanda ang progreso ng mag-aaral tungo sa susunod na grade level bago magtapos ang school year. (ESTONG REYES)
198 