Solon kay Marcos Jr. BOSES NG MASA PAKINGGAN

HINDI nararamdaman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga tao sa baba lalo na ang mga manggagawa na patuloy na naghihirap sa mataas na presyo ng mga bilihin kaya initsapuwera niya ito sa priority measures na iprinisinta sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.

“We call on President Marcos Jr. to touch some grass,” mensahe ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Walang binanggit ang Pangulo sa usapin ng dagdag na sahod ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Kahit sinong manggagawa ang tanungin, hindi sapat ang kasalukuyang sahod na kanilang natatanggap dahil hindi ito nakakasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pampublikong serbisyo. Kahit sinong ordinaryong mamamayan ang tanungin, hindi sagot ang Maharlika Investment Fund sa tumitinding krisis sa ekonomiya,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi pa ng mambabatas na walang katotohanan ang ipinagmamalaki ni Marcos na bumaba ang inflation gayung pinakamataas ito sa nakalipas na 14 taon kaya malabo na “under control” na ang presyo ng mga bilihin.

Kinuwestiyon din ni ACT party-list Rep. France Castro ang mga datos na ibinida ni Marcos sa kanyang SONA para ipakita na gumanda ang buhay ng mga tao tulad ng pagbaba ng inflation rate, natulungan ng Kadiwa centers at paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Castro, hindi ramdam ng mga tao ang ipinagmalaki ni Marcos dahil ibang-iba aniya ang kalagayan ng mga tao sa laylayan ng lipunan.

“Sa kalakhan ay disappointing ang pangalawang SONA ni Pang. Marcos Jr. dahil karamihan ng mga datos na mga sinabi niya ay di kapani-paniwala, in short, pambobola lang. Kailangang makinig sya sa tunay na boses ng mamamayan at kanilang kahilingan kung hindi ay lalo lang siyang malalayo sa taumbayan,” dagdag pa ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)

228

Related posts

Leave a Comment