NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na magpokus sa pagsugpo ng pagkalat ng corona virus 2019 (COVID-19) partikular ang mga ahensiyang may kinalaman dito
upang maibangon ang ekonomiya, kaysa unahin ang pangungurakot.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na kung patuloy na tataas ang bilang ng naiimpeksiyon ng COVID- 19 babagsak ang ekonomiya kaya dapat pagtutunan ng gobyerno ang pamamahala sa pandemya na nakasentro sa kalusuguan tulad ng mass testing, contact tracing at paggamot – hindi malabo, hindi makatuwiran at iron-fist policies.
Sinabi ni Pangilinan na lubha nang nanghihingalo ang ekonomiya na tila may COVID na rin kaya nararapat lamang na magpokus ang Palasyo sa paglutas ng pandemya hindi ang pangungurakot sa poder.
“Ang dugo ng ating ekonomiya, ang mga manggagawa, halos 9 milyon walang trabaho, kabilang na ang kalahating milyong OFW, 74,000 na jeepney drivers, at 11,000 na empleyado ng ABS-CBN. Ang puso ng ating ekonomiya, ang maliliit na namumuhunan, marami sa kanila ang nagsara o humina ang negosyo,” aniya.
Sinabi ni Pangilinan na apat na buwan ang nakalipas matapos ideklara ang emergency situation dahil sa COVID pero hindi pa rin natututukan ang problema.
Aniya, sa harap ng pandemya, hindi katanggap-tanggap ang sinasabing malawakang korapsiyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), kabilang ang mabagal na pag-aapruba sa paggamit ng Filipino-made, world class test kits laban sa dobleng presyong inaangkat.
Noong Enero, nang matagpuan ang kauna-unahang pasyente ng COVID, kaagad ipinanawagan ni Pangilinan ang epektibong contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng sakit pero walang
ginawa ang Department of Health (DOH). (ESTONG REYES)
172
