Solon sa litanya ni Roque KARAPATAN NG PINOY NA MAGING CHOOSY

KARAPATAN ng mga Pilipino na maging “choosy” dahil buhay at kaligtasan nila ang nakataya sa bakuna na gustong iturok sa kanila ng gobyerno bukod sa pera nila ang ipambibili nito.

Ito ang buwelta ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kay Presidential Spokesman Harry Roque matapos nitong sabihin na hindi dapat mamili ng covid vaccien ang mga Pilipino dahil libre ito.

“Mr. Roque, if it is a matter of safety and effectivity, if it involves public money, then the people have the right to be ‘choosy,” ani Gaite na hindi nagustuhan ang pahayag ng tagapagsalita ng pangulo patungkol sa mga pobre na bibigyan ng libreng bakuna.

Trabaho aniya ng gobyerno na tiyaking ligtas at epektibo ang bakuna upang hindi mapahamak ang mga ito dahil buhay ng mahihirap ang nakataya at hindi puwede na kung ano ang gustong iturok ng gobyerno sa mga tao ay tanggapin na lamang.

Sa pagdinig ng Senado, umamin ang gobyerno na malaking bulto ng bakuna ay bibilhin sa China tulad ng Sinovac na bukod sa mahal dahil umaabot sa P4,000 ang dalawang doses ay 50% lang itong epektibo.

Mas maraming bakuna umano na umaabot lang sa P610 hanggang P2,000 ang dalawang doses at 80% hanggang 95% na epektibo laban sa COVID-19 kaya may karapatan ang mamamayan na mamili ng mas ligtas at mura.

Ganito rin ang pananaw ni Senador Panfilo Lacson.

Aniya, hindi makatarungang sabihin na ang mga Pilipino ay hindi maaaring pumili ng kanilang mga bakuna.

Ayon kay Lacson, mali umano na basta na lamang tanggapin ng taumbayan ang bakunang ituturok sa kanila.

“It’s bad enough that the national government virtually controls which brand/s of vaccines to procure. Pati ba naman ang pagpili kung ano ituturok sa braso ng mga Pilipino, hindi pa rin pwede mamili ang Pilipino?” tanong ni Lacson.

Paliwanag pa ng senador na dapat malaman ng publiko ang mga uri ng bakuna na matatanggap nito dahil na rin sa iba-iba ang kalidad ng bakuna.

“Bakit ko naman pipiliin ang brand na 50% lang ang efficacy at wala man lang application for Emergency Use Authorization (EUA), against other brands with 79% and/or 95% efficacy and have pending EUA approval from the Food and Drug Administration?” sabi pa ni Lacson.

Umaasa aniya ito sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at sa Department of Health na maayos ng mga itong maipatutupad ang vaccination plan na sinabi ng mga ito sa pagdinig ng Senado. (BERNARD TAGUINOD/NOEL ABUEL)

111

Related posts

Leave a Comment