Solons nababahala sa kawalan ng ideya ni PDu30 MASS VACCINATION ‘DRAWING’ LANG?

(BERNARD TAGUINOD)

NAALARMA ang grupo ng mga mambabatas sa Kamara sa kawalan ng ideya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mass Vaccination Plan kaya hindi maiwasang isipin ng mga ito na ‘drawing’ o malabo na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino bago matapos ang taon.

“Kaya ba this year? Lumalabas na puro drawing at hangin ang pangakong bakuna,” pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil mistulang clueless umano ang pangulo sa vaccination plan ng gobyerno sa huling pulong ng mga ito sa Malacanang.

Hanggang ngayon ay hindi pa dumarating ang unang batch ng COVID-19 vaccines na gagamitin sa mga frontliner at tila magkakaroon ng problema dahil hindi na umano tatanggap ng bagong order ang AztraZeneca at Moderna.

“Malaking insulto na talaga ito sa mamamayang patuloy na pinapaasa sa bakuna sa kabila ng malalang krisis na pinalala ng pandemya,” ayon pa sa mambabatas.

Ang Pilipinas aniya ang may pinakamahabang quarantine period sa mga bansa sa Asya at baon na sa utang dahil sa pandemya subalit lumalabas na nahuhuli na sa mass vaccination.

Nagdududa naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa pagkaka-delay ng pagdating ng bakunang inorder dahil mistulang may inaantay na ibang bakuna ang gobyerno bago ilarga ang mass vaccination.

“The question is what is keeping the covid vaccines from coming when they should have arrived already according to the Department of Health (DOH)? Is the national government still waiting for preferred suppliers, like those vaccines from China to come first so that they would be the ones that would be primarily used? Is this the reason why there are still no signed supply agreements for the vaccines?,” tanong ni Zarate.

SUKO NA?

Maliban dito, tila sinukuan na rin umano ng gobyerno ang laban sa COVID-19 pandemic dahil sa mungkahi ng National Economic Development Authority (NEDA) na isailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa upang maiwasang magutom nang tuluyan ang mamamayan at upang makabangon na ang ekonomiya ng bansa.

“NEDA’s proposal to place the country under MGCQ seemed like a signal from the Duterte administration that they have already given up,” ayon pa kay Brosas dahil iminungkahi ito ni NEDA Chief Karl Chua kahit hindi pa nagsisimula ang mass vaccination.

“Matapos ang napakahabang lockdown, ang ending pa rin ay kawalan ng plano para tapusin ang pandemya. Mauuwi lang pala sa wala ang sakripisyo ng maraming Pilipino na nawalan ng trabaho at kabuhayan,” ayon pa sa lady solon.

Kinontra naman ni House labor committee chairman Eric Pineda ang mungkahing ito ng NEDA hangga’t hindi pa nasisimulan ang mass vaccination dahil mas lalong mababaon sa hirap aniya ang mga tao kapag nagkasakit ang mga ito.

Inihalintulad ni Pineda ang kanyang karanasan nang magkaroon ng COVID-19 kung saan 5 araw lamang umano ito sa pagamutan ay umaabot sa P700,000 ang kanyang binayaran.

“Paano ang mga mahihirap kung magkasakit?,” tanong ni Pineda.

WALA PANG LINAW

Kaugnay nito, wala pang arrival date para sa first batch ng 117,000 Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines sa ilalim ng COVAX facility.

“Wala pa po tayo naririnig na balita,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

“Dahil ‘yan po ay ipapadala sa pamamagitan ng eroplano. Ang inaasahan natin ay magbibigay notisiya ang Pfizer sa atin kung naisakay na yang shipment na yan sa eroplano galing sa Brussels [Belgium] papunta ng Pilipinas,” dagdag na pahayag nito.

Nauna nang napaulat na ang Pfizer vaccines ay darating sa bansa noong Pebrero 15.

Prayoridad sa unang batch ng Pfizer COVID-19 vaccines na darating sa Pilipinas ang mga health worker sa COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila, Cebu City, at Davao City.

Inaasahan ding darating ngayong buwan ang bahagi ng 5.5 million hanggang 9.2 million doses ng bakuna mula AstraZeneca para sa Pilipinas, sa ilalim pa rin ng COVAX Facility. (CHRISTIAN DALE)

159

Related posts

Leave a Comment