HINDI kumbinsido ang ilang miyembro ng Kamara sa pag-atras ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kandidatura pagka-bise presidente.
Ayon sa mga militanteng kinatawan mula sa hanay ng Makabayan bloc, minsan nang ginamit ni Duterte ang taktikang pag-ayaw kunwari noong 2015, subalit piniling tumakbo pa rin sa halalang pampanguluhan noong Mayo ng sumunod na taon.
Tugon ni ACT partylist Rep. France Castro sa anunsyong pagreretiro sa pulitika ni Duterte, hindi raw dapat pang paniwalaan ang pangulo.
Sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ni Senador Bong Go noong Sabado, sinabi ni Duterte na higit niyang pinahahalagahan ang tinig ng mga Pilipinong nag-upo sa kanya bilang pangulo. Partikular niyang tinukoy ang lumabas na survey kunsaan lumalabas na marami sa mga Filipino ay kumbinsidong hindi angkop na kumandidato ito bilang bise presidente dahil sa malinaw na paglabag nito sa Saligang Batas.
Sa pag-atras ni Duterte sa nominasyon ng kanyang partido, humalili naman si Go.
“People do not trust this President anymore,” ani Castro, kasabay ng pahayag na nagpapahiwatig ng posibilidad na substitution na magaganap sa Nobyembre 15, ang deadline na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagbabago sa inihaing kandidatura.
“Let’s wait for November 15, when drama would be completed,” ayon pa sa mambabatas na naniniwalang papalitan ni Duterte si Go sa vice presidential race.
Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, pangalawang ulit na niyang narinig kay Duterte ang pahayag kaugnay ng pagreretiro nito sa pulitika.
“In September 2015 he also announced that he was retiring from politics, yet he did not. Instead, the people and the country were then taken for a ride with a last minute candidacy switch,” saad ni Zarate.
Magugunitang si Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño ang unang naghain ng kanyang COC bilang pangulo. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla itong pinalitan ni Duterte na una nang nagsabing siya’y magreretiro.
“He made several more retirement/resigning announcements that turned out to be ‘jetskied’. People should no longer take this latest retirement statement seriously; it is clearly part of the Duterte clique’s dubious scheme to hoodwink once again the electorate,” dagdag pa ng militanteng kongresista.
Maging si Rep. Ferdinand Gaite, hindi rin bilib sa winika ng pangulo. Aniya, hindi na pwedeng panghawakan ang mga salita ni Duterte na karaniwang hindi naman umano tinutupad.
“We will await clarification from Spokesman (Harry) Roque. This could just be another Duterte joke,” pahabol pa niya. (BERNARD TAGUINOD)
