(BERNARD TAGUINOD)
PINALAGAN ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang desisyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) na hindi na ipaaanunsyo kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang available sa mga vaccination center upang maiwasan ang pagkakagulo.
“It is immoral, illegal, and unjust,” paglalarawan ni minority Rep. Natasha Co at paglabag din umano ito sa karapatan ng mamamayan na pumili ng bakuna na nais nilang isaksak sa kanilang katawan.
Ang desisyon ng DILG at DOH ay kasunod ng pagsugod ng mga tao sa isang mall nang malaman ang brand na available doon. Lumilitaw na ang nasabing brand ang ikinokonsidera ng nakararami dahil na rin sa sikat na pangalan ng gumawa nito.
“Katawan nila ang tuturukan ng bakuna. Karapatan nilang malaman kung ano ang ituturok sa kanilang bakuna bago pa man sila magtungo sa vaccination site. Patient’s rights is human rights,” ayon sa mambabatas.
Ganito rin ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaya dapat aniyang maging transparent ang gobyerno.
“Trabaho ng DOH na ibigay sa mga tao ang lahat ng kinakailangang impormasyon bago sila bakunahan ng COVID-19 vaccine, kabilang na rito ang brand ng bakuna,” ani Zarate.
Mas lalong matatakot aniya ang mga tao na magpabakuna kapag hindi nila alam kung anong bakuna ang ituturok sa kanila kaya kailangang sa una pa lamang ay dapat ipaalam sa mga ito ang brand sa pupuntahang vaccination sites.
Dahil dito, ipinakukonsidera ng mga nabanggit na mambabatas sa DILG at DOH ang kanilang desisyon na ilihim sa mga tao ang bakuna na gagamitin sa isang vaccination site.
“No way!”
Ito naman ang tugon ni Senador Imee Marcos sa nasabing usapin.
“Lahat tayo may karapatan sa tinatawag na “full disclosure” at sapat na kalinawan sa proseso. Unang-una, under EUA (emergency use approval) lamang ang mga vaccine; anomang brand, emergency approval lang at hindi total commercial clearance ang ibinigay ng Food and Drug Administration,” sabi nito.
“Kaya dapat may “informed consent” o mulat na pagsang-ayon ang bawat pasyenteng Pilipino – dapat nilang malaman ang mga peligro at mga benepisyo ng bawat vaccine. Paano naman sila makakalagda sa consent form kung hindi nila nalalaman ang bakunang ituturok sa kanila?” tanong pa ni Marcos.
Sinabi pa ni Marcos na mas naniniwala ito at maging ang taumbayan sa social media sa halip na sa DOH dahil sa kapalpakan sa pamamahagi ng tamang komunikasyon.
‘Wag ianunsyo
Nauna rito, ipinag-utos kahapon ng DILG sa mga lokal na pamahalaan na itigil ang pag-aanunsyo ng brand ng bakuna na gagamitin sa partikular na vaccination center upang maiwasan ang mass gatherings.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ang naturang hakbang ay inirekomenda ng Department of Health (DOH) matapos dagsain ng mga residente ang vaccination sites kung saan mayroong Pfizer vaccines na iniaalok.
Dahil dito, napagdesisyunan ng mga nasabing ahensya na na huwag nang ianunsyo ang brand ng bakuna.
Pero paglilinaw ng DOH, ipaaalam din sa mga magpapabakuna ang brand na ituturok sa kanila pagdating nila mismo sa vaccination center.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang nais lang nilang mangyari ay hindi maianunsyo ang bakunang available sa partikular na vaccination site para sa partikular na araw.
Pinawi rin ni Vergeire ang agam-agam ng marami dahil ang lahat aniya ng bakuna ay ligtas at epektibo kontra COVID-19. (May dagdag na ulat sina NOEL ABUEL at JESSE KABEL)
