MULING nanawagan si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na agad resolbahin ang sigalot sa negosasyon sa pagitan ng mga komunidad ng mga tribong apektado ng Kaliwa Dam project, bunsod ng nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig at paghahanap ng pangmatagalang solusyon dito para sa Metro Manila at mga kalapit lungsod.
Binigyan-diin ni Marcos na sa kabila ng mga pag-ulan sa nakalipas na buwan, patuloy sa pagbaba ang suplay ng tubig sa Angat Dam na mas mababa na sa 180 meters minimum operating level nito mula pa noong Huwebes, malayo sa highest level nito na 204.5 meters na naitala noong Enero.
Kaugnay nito, nagbabala si Marcos na kapag hindi nagtuloy-tuloy ang pag-ulan posibleng masagad ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa critical level nito na 160 meters pagsapit ng Nobyembre.
“Once and for all, latagan na natin ng solusyon ang matagal nang problema sa tubig ng Metro Manila, short at long- term,” ani Marcos, sa kanyang apela sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), at National Commission on Indigenous
Peoples (NCIP).
“Yung translation sa mga dokumento ng proyekto ay matagal nang hiniling ng mga Dumagat na daan sa mas malinaw na negosasyon at siyang magbibigay sa kanila ng malaya at pangunahing kaalaman ng pagsang-ayon o consent alinsunod sa batas,” dagdag ni Marcos.
Iginiit pa nito na noon pang Agosto 2019 ginawa ang request sa pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities na pinamumunuan nito.
Binanggit din ni Marcos na 32 indigenous communities sa mga munisipalidad ng General Nakar at Infanta sa probinsya ng Quezon, na pinangungunahan ng kanilang tribal leader na si Marcelino Tena, ang nagreklamo nitong weekend matapos silang hindi isama sa distribusyon ng mga translated na dokumento.
Kapag natuloy aniya ang Kaliwa Dam project, ang panahong gugugulin para makumpleto o matapos ang proyekto ay magpapakitang ang lumulobong populasyon ng Metro Manila na nasa halos 13 milyon na ay maaaring maharap sa kawalan ng katiyakan sa suplay ng tubig sa susunod na limang taon, ayon kay Marcos.
Sa ngayon, sinabi ni Marcos na maaaring maparami ang suplay ng tubig kung gagamitin ng Maynilad ang bilyon-bilyon nitong kita para bawasan ang leakages ng tubig o mga ilegal na koneksyon, kung saan 30% ng kabuuang water distribution ng kumpanya ang nasasayang. (NOEL ABUEL)
1584
