BUMUO ang Police Regional Office 9 ng Special Investigation Task Group para sa mas komprehensibong imbestigasyon sa shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ni Senador Risa Hontiveros, sinabi ni Zamboanga City Police Office director Police Col. Fidel Fortaleza na layunin ng task group na maisama ang iba pang police units sa pagsisiyasat.
Kabilang dito ang Anti-Cybercrime Group na susuri sa cellphone at iba pang gadgets ng batang shooter.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Fortaleza na lumitaw na may motibo ang shooter, dahil hindi ito dumaan sa regular na security checking at sa halip ay dumiretso sa rampa na nakalaan para sa persons with disability.
Inamin naman ni ADZU Chairman of the Board of Trustees Pedro Rufo “Pocholo” Soliven na walang gwardyang nakatalaga sa naturang rampa dahil hindi ito dapat daanan ng mga estudyante papasok sa paaralan.
Sa pagtatanong ni Senador Erwin Tulfo, kinumpirma ni Fortaleza na kabilang sa security lapses na nakita nila sa ADZU ang hindi pantay na security checks sa mga pumapasok sa unibersidad.
Ayon kay Fortaleza, nasusuri ang mga bag ng mga estudyanteng naglalakad papasok sa campus, ngunit hindi gaanong nabubusisi ang mga sakay ng sasakyan dahil visual inspection lamang ang isinasagawa.
Dahil dito, inirekomenda ng pulisya ang paglalagay ng metal detector sa mga entry point ng unibersidad.
Isinalaysay din ni Fortaleza na pagdating ng student shooter sa paaralan ay umakyat ito sa fourth floor at nagpaputok sa Room 405 bago lumipat sa Room 404, kung saan niya nabaril ang nasawing biktima.
Pagkatapos nito, umakyat umano ito sa fifth floor at saka nagbaril sa sarili.
Binigyang-diin ni Fortaleza na nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon at hindi pa makumpirma ang impormasyon na bago ang insidente ay nagbanta ang shooter na babarilin ang paaralan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
90 