MABILIS NA AKSYON NI BOC COMMISSIONER ARIEL NEPOMUCENO SA ATENEO INCIDENT!

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng isang matinding trahedya tulad ng nangyaring pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, ang unang hinahanap ng publiko mula sa mga pinuno ng pamahalaan ay hindi pananahimik o pagdadahilan, kundi mabilis at konkretong aksyon.

Aba’y sa puntong ito, nararapat lamang na kilalanin ang matatag at responsableng pamumuno na ipinamalas ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno.

Kasi sa halip na magpatumpik-tumpik o magturuan kung kanino ibubunton ang sisi, agad nitong ipinag-utos ang isang komprehensibong accounting at inventory ng lahat ng provisional na baril na ibinigay sa mga tauhan ng ahensya.

Ang hakbang na ito ay nagtatakda ng isang malinaw na mensahe na ang pananagutan sa bawat kagamitan ng gobyerno ay hindi maaaring tawaran.

Ang paghingi ng malinaw na compliance report sa loob lamang ng maikling panahon na 24 oras, ay isang patunay na itinuturing ng pamunuan ng BOC na may matinding urgency ang sitwasyon.

Hindi ibinitin ang usapin at hindi rin binigyan ng pagkakataon ang sinoman na pagtakpan ang posibleng kapabayaan sa paghawak ng probisyonal na sandata.

Sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga kinauukulang deputy commissioners at field offices na magsagawa agad ng buong imbestigasyon at mangalap ng lahat ng rekord at ebidensya, ipinakita ni Nepomuceno na bukas ang ahensya sa katotohanan, gaano man ito kasakit o kaselan.

Nang kumpirmahin ni BOC Deputy Commissioner Nolasco Bathan na ang isa sa mga baril na ginamit ng suspek ay ang BOC-issued na Glock 22 .40 caliber na nakalaan para kay Lt. Lars Jalani, lalong naging kritikal ang agarang reaksyon ng ahensya.

Ang mabilis na pag-imbestiga sa mga patakaran ng gun safety, pag-iingat, pagdadala, at firearm custody ay hindi lamang isang formality.

Ito ay isang kinakailangang pagtatama sa mga posibleng kapalpakan sa seguridad upang hindi na kailanman muling makarating ang opisyal na sandata ng pamahalaan sa kamay ng sinomang hindi awtorisadong indibidwal, lalo na ng mga sibilyan.

Ang ganitong uri ng pamumuno ay nagpapakita ng tunay na malasakit sa kaligtasan ng komunidad at sa integridad ng mismong institusyon.

Sa pamamagitan ng direktang pagharap sa isyu at pagpapatupad ng mahigpit na pagsusuri sa sariling hanay, pinatutunayan ng pamunuan ng BOC na handa silang maging halimbawa ng disiplina at pananagutan.

Masasabi na ang determinasyong ito na linisin at ayusin ang mga panloob na sistema ay ang pinakamabisang paraan upang maibalik at mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa public servants.

81

Related posts

Leave a Comment