Ang pulikat na muscle spasm o muscle cramp sa Ingles ay ang paninikip ng mga kalamnan sa isang espesipikong parte ng ating katawan.
Ito ay kadalasang masakit at mas masakit habang tumatagal. Ito ay maaaring humantong sa iba’t iba ring sintomas.
Agad naman itong nawawala sa karaniwang kaso pero maaaring magtagal bilang sensyales na dapat na itong ipaeksamin sa doktor.
MGA SANHI NG PULIKAT
Maraming klase ng pulikat at ito ay nakadepende sa predisposing factor (o bagay na nakaapekto), parte ng katawan na involved at nasasaktan.
Nangyayari ang pamumulikat kapag ang muscle o kalamnan ay sobrang naaabuso o nagagamit, kapag sobrang pagod o nakaranas na ng injury noon.
Kadalasang nararamdaman ang sakit na ito sa umaga lalo na kung ikaw ay hindi nakainom ng sapat na tubig para sa buong magdamag.
Nakararanas din ng pamumulikat kung ang kalamnan ay sobrang na-stretch o kung nanatili ito sa iisang posisyon nang matagal. Kasunod nito, ang kalamnan ay nawawalan ng lakas at fluids kung kaya ito ay nagiging hyperexcitable, na nagreresulta sa pwersahang paninikip ng mga kalamnan.
Maaari ring mapulikat kung intense ang ginagawa at biglaan o hindi gaanong pamilyar sa ginagawa pero nabibigla ang kalamnan. Halimbawa nito ay ang pagbubuhat, pagsasagawa ng sit-ups at kung nasobrahan ito at paulit-ulit.
Dalawa sa itinuturong dahilan ng pamumulikat ay dehydration at electrolytes imbalance.
Kung kulang sa tubig ang katawan, maaaring maging prone ka sa pulikat.
Ang hindi balanseng electrolytes ay may epekto rin sa atin. Ang electrolytes ay ang mga mineral na nasa katawan na may electric charge. Ito ay nasa dugo, ihi, tissues, at iba pang fluids. Mahalaga ang electrolytes sa katawan at kailangang mabalanse ito ganoon din ang acid ng katawan o ang sinasabing base (pH) level.
Kung ang katawan ay kulang din sa glucose (asukal), sodium, potassium, calcium at magnesium, hindi nagiging maayos ang galaw ng proteins upang magkaroon ng organized contraction ang kalamnan. Ang abnormal na dami ng mga nabanggit ay magdudulot ng spasm sa muscles.
Kung kulang sa potassium ay maaaring kumain ng saging.
Ang paninikip din ng ugat ay isang sanhi ng pamumulikat dahil ang supply ng dugo ay nagiging abnormal din.
Malalaman ang senyales ng pagkatuyo ng katawan sa mga sumusunod:
– Tuyong labi
– Bihirang pagpawisan
– Pagdaranas ng pulikat
– Pagkakaroon ng tuyong mga mata o ang hindi pagluha
– pagduduwal o pagsusuka
SINU-SINO ANG APEKTADO NG PAMUMULIKAT?
Marami tayong kalamnan na maaaring makaranas ng pulikat. Karaniwang nararamdaman ang pulikat sa mga binti, braso, mga kamay o mga daliri.
Karaniwang ang pulikat din ay nakaaapekto sa malaking parte ng kalamnan gaya halimbawa ng nasabing mga binti o isa nito.
Ang isang uri ng pamumulikat na tinatawag na skeletal muscle spasm ay dahil sa sobrang paggamit din sa kalamnan. Karaniwang nararanasan ito ng mga atleta dahil sila ang exposed sa sobrang pagbanat ng mga kalamnan at sila ay madalas na nasa initang lugar.
Nararanasan din ito ng mga construction worker o iba pang trabahador na nasa initan. Ang pananakit na ito na may kontribusyon ng init ay tinatawag ding heat cramps.
Pangkaraniwan din ito sa mga manunulat kung saan ang pamumulikat ay direktang ramdam sa mga kamay at daliri.
Sakit din ng mga buntis ang pamumulikat lalo’t kulang ang katawan nila sa sapat na fluids (tubig, fruit o vegetable juices). Tandaan na ang buntis ay may buhay din na nasa sinapupunan pa lamang at natural na kailangan ng mas maraming tubig ang nanay sa kanyang katawan. (Ann Esternon)
1858