LASING NALIGO SA SPILLWAY, TINANGAY NG BAHA

LUCENA CITY – Pinaghahanap ang isang lasing na lalaki na tinangay ng baha nang maligo umano sa spillway.

Ayon sa mga nakasaksi, dakong alas-2:00 ng hapon noong Miyerkoles, napadaan ang biktima sa spillway ng Iyam river sa Barangay 5, dala ang kanyang kariton.

Nagpasya itong maligo sa bahagi ng ilog sa unahan ng spillway subalit naanod ito ng agos at natangay patungo sa isa sa culvert na lagusan patungo sa kabila.

Ligtas naman itong nakalusot sa nasa 12 metrong lapad ng spillway at lumutang sa kabilang ibayo at kumaway pa sa nagulat na bystander.

Subalit tuluyan itong naanod sa malalim na bahagi hanggang sa lumubog at nawala.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng BFP Lucena, DRRMO, at Coast Guard upang hanapin sa iba’t ibang bahagi ng Iyam River ang biktima subalit bigo itong matagpuan.

Patuloy pa ring sinusuyod ng search and rescue team ang ilog para hanapin ang biktima. (NILOU DEL CARMEN)

54

Related posts

Leave a Comment