To the left to right: Sabin M. Aboitiz, Manuel V. Pangilinan, Ramon S. Ang
Kritikal na magkaroon ng tuluy-tuloy na suplay ng kuryente para sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng ekonomiya.
Upang makamit ang energy security, isinaaalang-alang rin ng pamahalaan ang paggamit ng mas malinis at sustainable na mapagkukunan ng suplay. Nang maglagay ang Department of Energy (DOE) ng moratorium sa mga bagong planta na gumagamit ng coal, itinulak rin nito ang paggamit ng mas malinis na natural gas bilang “transition fuel.”
Hindi naman kaila na sa kasalukuyan, hindi pa kaya ng bansa na umasa na lang sa renewable energy (RE), kagaya ng wind at solar, dahil kailangan natin mapunan ang baseload or 24/7 na suplay para masigurong hindi maapektuhan ang mga aktibidad para mapalago ang ekonomiya.
Napakahalaga kasi ng maaasahang serbisyo ng kuryente sa lahat ng sektor ng lipunan, lalo na sa mga industrial at commercial.
Isinusulong ng DOE ang pagkakaroon ng 26 porsyento na natural gas sa energy mix ng bansa pagdating ng 2040 kaya naman inanyayahan ng DOE ang pribadong sektor na mamuhunan sa mga gas-fired power plant.
Bilang tugon sa panawagang ito, nagtulungan ang pinamalalaking energy players sa bansa na mayroon magandang track record sa pagpapatupad ng mga proyektong makakatulong sa bansa.
Inanunsyo ng Aboitiz Power Corporation, Meralco Powergen Corporation (MGen) at San Miguel Corporation (SMC) ang planong paglulunsad ng pinakauna at pinakamalawak na integrated liquefied natural gas (LNG) facility sa Batangas.
Sa ilalim ng pagsasamang ito, mamumuhunan ang AboitizPower at MGen sa mga LNG power plant na pagmamay-ari ng SMC. Makakapagbigay ang mga ito ng mahigit 2,500 megawatts (MW) na suplay na tutugon sa lumalaking demand ng kuryente ng bansa.
Ayon kay MGen chairman Manuel V. Pangilinan, ang kasunduang ito ay isang “pathbreaking venture” na sumisimbolo sa pagtutulungan sa industriya para isulong ang mas sustainable na industriya ng enerhiya.
Sang-ayon naman si SMC Chairman Ramon S. Ang dito ahil ito rin ang unang pagkakataon na magtutulungan ang tatlong nangungunang kumpanya sa industriya ng enerhiya upang matugunan ang pangangailangan ng mas maraming suplay ng kuryente.
Sa ngayon kasi, hindi kayang tugunan ng baseload na pangangailangan ng kuryente ng RE dahil sa intermittency ng mga ito. Ang mga solar plant ay tumatakbo lamang kapag maaraw, samantalang ang wind turbines ay dumedepende din sa lakas ng hangin.
Nauna nang sinabi ng DOE na ang gas-fired power plant ay may kakayahang umangkop sa pangangailangang baseload, mid-range at peaking ng mga distribution utility at may mas mababang carbon emission nang 45 hanggang 50 porsyento kesa sa coal.
Kaya naman ang kasunduang ito ay tugma sa layunin ng gobyerno na bawasan ang mga carbon emission at sa planong energy transition ng bansa.
Ayon kay Sabin M. Aboitiz, chairman ng AboitizPower, kailangan ang LNG at RE upang makamit ang balanseng energy mix at energy transition na magbibigay daan para sa seguridad ng enerhiya.
Maliban sa pamumuhunan ng AboitizPower at MGen sa mga planta, bibilhin din ng tatlong kumpanya ang LNG import and regasification terminal na pagmamay-ari ng Linseed Field Corp. Ang facility na ito ay may kakayahan na magproseso ng LNG hindi lamang para sa Ilijan at Excellent Energy, kung hindi pati na din sa iba pang gas-fired power plant.
Sasaluhin nito ang pangangailangan ng mga gas-fired power plant na natural gas mula sa Malampaya gas field na malapit nang maubos na tinatayang mangyayari sa 2027.
Kapag walang kapalit ang natural gas mula sa Malampaya, mapipilitang tumakbo ang mga gas-fired power plant gamit ang mas mahal na liquid fuel at maaari din tumigil ang kanilang operasyon na magbabawas pa ng suplay sa grid.
Tulad na lang ng nangyari sa Ilijan plant, napilitan itong tumigil sa pagtakbo noong Hunyo 2022 dahil sa kakulangan ng Malampaya gas. Bumalik lamang ito sa operasyon noong Abril 2023 noong dumating na ang unang LNG shipment sa bansa.
Kaya naman isinusulong ng gobyerno ang paggamit ng LNG—na itinuring na pinakamalinis na fossil fuel—upang maiwasan ang nagbabadyang kakulangan ng suplay ng kuryente dulot ng pagkaubos ng Malampaya gas.
Ang pagtutulungang ito ng tatlong pinakamalaking negosyante sa bansa na maasahan at may magandang track record ay makakapag-bigay ng maraming benepisyo.
Bukod pagsasama-sama ng kanilang kakayahan, tiyak na magiging propesyunal ang pagpapatakbo ng unang integrated LNG facility sa bansa.
Nagsisilbi rin tong inspirasyon para sa iba pang miyembro ng pribadong sektor na magtulungan para tugunan kung ano ang mga pangangailangan ng ating bayan, para mas agarang mapalago ang ating ekonomiya na tiyak naman makakatulong rin para umangat ang buhay ng mas marami pang Pilipino.
232