(Ni ANN ESTERNON)
MARAMI sa mga Filipino na naroon ang tradis-yon basta makapaghanda sa holiday season o ngayong Kapaskuhan ay gagawin ang lahat basta may mailagay sa ating hapag. Kumbaga ay uutang at uutang para lamang makasabay sa handa ng iba.
Ang ganitong tradisyon ay hindi naman mahalaga kung tutuusin. Ang mahalaga ay may pagsaluhan ang bawat pamilyang Filipino kahit kaunti lamang at hindi sa sitwasyong sisira sa ating budget o tayo ay uutang pa. May tradisyon tayong dapat nang maputol tulad ng nabanggit. Huwag tayong ubos biyaya tapos bukas wala na tayong ihahain pa at ang mas masakit ay may utang pa tayo.
Mas magandang sa simpleng pagkain na lamang tayo magsama-sama na kapag matapos ang okasyon na ito ay walang iiwan sa ating problema. Kaya ano ang mga tama at sapat lamang na ihanda sa Kapaskuhan?
PANDESAL O LOAF BREAD
Pamilyar ang mga Pinoy sa “tasty” bread na mas tama sanang sabihing loaf bread. Ang tinapay na ito ay pwede nang panghanda sa ating hapag-kainan. Mas okay din namang ihanda ang pandesala at mantikilya kung walang keso.
PANSIT
Dahil hindi naman nawawala ang pansit – partikular ang guisado – sa ating hapag at wala itong pinipiling okasyon ay simpleng ito na lamang ang ihanda. Ang susi lamang naman dito ay sarapan ang pagluluto o daanin sa masarap na panimpla. Huwag nang kumpletuhin pa ang pansahog kung sadyang kaunti lamang ang budget.
Kung ayaw naman ang guisado ay mas masarap ding opsyon ang sotanghon na may sabaw para bagay na bagay sa gabi sa pagsalubong sa Kapaskuhan.
KAKANIN
Kung wala kayong pambili ng cake – at dahil pwede naman talagang kahit wala na nito – ay doon na lamang tayo sa rice cake o puto o iba pang uri ng kakaning Pinoy.
Pasok sa mga ito ang biko, suman, at iba pang parte na ng ating tradisyon sa kainan.
BATIROL
Mas masarap at mas Pinoy na Pinoy ang inumin kung ang ating pipiliin ay batirol o tsokolate na bagay na bagay sa Kapaskuhan at siyempre sa ating mga iba’t ibang uri ng kakanin.
Mas mainam nang ito na lamang ang gawing inumin kaysa mag-alak pa.
LUMPIANG ISDA
Kumpara sa karne ng baboy o baka, mas mura at mas ligtas sa kalusugan ang lumpiang isda. Karaniwang ginagamit dito ay mga galunggong at iba pang malamang uri ng isda. Pwede rin namang ang laman nito ay mga hinimay na tinapa.
Samantala, para sa mas mura pang alternatibo ay pwede na ang mag spaghetti na sa halip na ang piling lahok nito ay giniling na karne ng baboy o baka ay sardinas na lamang o ang Spanish sardines, isama na ang lahat ng mantika nito para sa mas malasang pasta.
Para mas mairaos natin ito ay kailangan ngayon pa lamang ay pag-ipunan nang maayos ang ihahanda sa Pasko. Makatutulong din na magkaroon ng ambagan mula sa bawat miyembro ng pamilya lalo kung ang mga ito naman ay may mga trabaho.
Pwede rin namang kung hindi pera ay toka-toka na lamang sa mga ihahain. Mas maigi pa kung ang handa ay magiging isahan na lamang para iwas na rin sa mga ligpitin. At dahil iisang bahay na lamang ang pupuntahan ay mas tumitibay ang samahan dahil ganyan naman tayong mga Pinoy – masyadong malapit sa isa’t isa.
Magandang opsyon din na bumili na lamang ng mga pagkaing luto na o kakainin na lamang ng mga pamilya. Ang mahalaga lamang dito ay tiyakin na sa pagpili sa opsyong nabanggit ay mas mura ito kumpara sa talagang bibili pa ng mga rekado nito o paghihirapan pa talagang lutuin.
Samantala sa mga hahabol pa sa dekorasyon sa bahay, huwag na tayong mag-ubos din ng budget dito. Simpleng Christmas tree na lamang, kahit ma-liit. Sa mga ornament naman sa punong ito ay gawin na lamang simple at huwag nang piliin pa ang mga mamahaling uri nito.
At dahil sa tayo ay mga Pinoy, natural na sa atin o tatak na natin ang kumanta sa pamamagitan ng videoke. Ang bagay na ito ay malaking ambag na para maitawid natin ang simpleng handa ngunit may tunay na kasiyahan sa Kapaskuhan.
155