KINULEKTA ng Air Force ang ikalimang sunod nitong panalo sa Premier Volleyball League Open Conference, nang talunin ang BanKo, 26-24, 25-8, 25-21, kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Nagsumite si Joy Cases ng 15 points para sa Lady Jet Spikers para sa kanilang 5-5 record. Ito’y matapos ang limang sunod na kabiguan sa pagsisimula ng torneo.
Tumulong si middle blocker Dell Palomata na may 14 points, 12 attacks at two blocks, habang si Mary Ann Pontino ay nagdagdag ng 13 points at 12 digs para sa Air Force.
“Five straight wins, sana tuluy tuloy na,” sambit ni Lady Jet Spikers coach Jasper Jimenez.
Halos abot-kamay na ng BanKo ang opening set win, 24-22, pero umiskor ang Air Force ng apat na sunod na puntos para agawin ang panalo.
Sa second set, umangat agad ang Lady Jet Spikers, 8-1 at sinundan ng 16-5 para tapusin ang set sa 25-8.
Ipinagpatuloy ng Air Force ang momentum hanggang sa 3rd set.
Nagpakawala si Air Force setter Wendy Semana ng 23 excellent sets sa laro.
Laglag ang BanKo sa 6-4 card, katabla ang PacificTown Army sa No. 3 spot.
126